Halimuyak ni Aya (475)

“NUMER, pinakakaba mo na naman ako,’’ sabi ni Imelda na hindi makatingin nang de-retso kay Numer.

“Tutal naman at lagi kitang pinakakaba e di tuluyan ko na…’’

“Numer, ano bang sinasabi mo?’’

“Mahal kita, Imelda.’’

Lalo nang naging sunud-sunod ang tibok ng puso ni Imelda. Pero iyon ay kakaibang tibok. Hindi tibok ng pagkatakot o pangamba kundi tibok ng kaligayahan. Pagkaraan nang mara-ming taon na sirain ng taksil na si Melchor ang kanyang pagtitiwala eto at sunud-sunod ang tibok ng kanyang puso. Kung maririnig ni Numer ang tibok ng kanyang puso ay baka magulat siya sapagkat parang awit iyon na walang tigil. Parang awit ng mga anghel sa kalangitan.

“Mahal kita, Imelda,’’ sabi muli ni Numer.

Noon tumingin si Imelda kay Numer. De­retso. Wala nang pangamba. Nasa kanyang mukha ang walang katulad na saya. Bakit ba siya magiging ipokrita? Dapat aminin din niya kay Numer ang tunay na nadarama.

‘‘Ang nadarama mo ay nadarama ko rin, Numer,’’ sabi niyang malinaw at walang alinlangan.

Sobrang saya ni Numer. Hindi na nangimi nang kunin ang kanang palad ni Imelda at pisilin.

Si Imelda ay walang masabi. Hinayaan niya si Numer na pisilin ang palad.

(Itutuloy)

Show comments