Kabayan, nasa TV Patrol na ulit!

Noli de Castro

Muling mapapanood ng sambayanang Pilipino si Kabayan Noli de Castro sa TV Patrol upang maghatid ng mga nagbabagang balita simula sa Lunes (Enero 9).

Ihahatid ni Kabayan ang pinakahuling balita sa selebrasyon ng ‘Nazareno 2023’ nang live mula sa Quirino Grandstand. “Magkita-kita tayo sa Lunes. Live ho ako sa Quirino Grandstand para sa TV Patrol,” ayon kay De Castro sa programa niyang Kabayan sa TeleRadyo nitong Biyernes (Enero 6).

Makakasama ni Kabayan sina Henry Omaga-Diaz, Karen Davila at Bernadette Sembrano sa paghahatid ng balita sa TV Patrol. Patuloy rin siyang mapapanood sa kanyang public service show na Kabayan  at ng morning newscast na TeleRadyo Balita kasama si Joyce Balancio sa TeleRadyo.

Napapanood ang TV Patrol mula Lunes hanggang Biyernes, 6:30 p.m., habang napapanood naman ang TV Patrol Weekend tuwing Sabado at Linggo, 6 p.m. kasama sina Alvin Elchico at Zen Hernandez. 

Maaalalang nagpaalam si Kabayan Noli sa TV Patrol nang mag-decide siyang kumandidato sanang senador. Pero nagbago ang isip niya, umatras   at ‘di nagtagal ay bumalik sa TeleRadyo. At ngayon, balik-TV Patrol na rin.

 

Show comments