Jed, nagbebenta ng sariling art toys

Jed

Mula nang ipatupad ang community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa ay marami nang nakahiligang gawin ang mga Pinoy. Marami ang nagkaroon ng online business at ang iba naman ay talagang nagkaroon ng hilig sa mga halaman. Matagal nang nangongolekta ng mga laruan si Jed Madela at ngayon ay nahihilig naman sa pagdidisenyo ng iba’t ibang art toys. “Ever since I could remember collector na ako ng kahit ano, any toys na napi-feel ko na nagugustuhan ko at naa-attract ako,” bungad ni Jed.

Nagsimula umano ang hilig ng singer sa pagdidesenyo nang minsang nakadalo sa isang toy convention noon. “Nakahiligan ko ‘to I think two years ago. Sumama ako, na-invite ako sa isang Toy Con at doon ko nakita first time ang art toys na tinatawag pero hindi pa ako masyadong naengganyo. Not until pandemic, nagsimula ang pandemya may mga na-meet akong art toy designers. Doon na ako na-hype up sa art toys. Since ang dami kong na-meet na designers inengganyo rin ako na hindi ako mag-collect but to create our toys as well,” kuwento ng singer.

Makikita sa Instagram account ni Jed ang iba’t ibang art toys na kanyang nagawa.

Naisipan na rin daw ng singer na ibenta ang mga ito sa kasamahang toy collectors. “Nakita nila ang sketches ko, ang mga drawings ko. Kasi mahilig rin ako mag-drawing and painting. Sabi nila sa akin, ‘Why don’t you create your own art toys?’ Sabi ko, ‘Are they art toy worthy ba? Pwede ba silang ga­wing art toy?’ So sabi nila, ‘Oo, ang ganda,” pagbabahagi niya.

Raymond, mapili sa trabaho

Nagiging mapili na si Raymond Bagatsing sa mga proyektong kanyang ginagawa. Ayon sa aktor ay kailangang nababagay sa kanya ang mga karakter na gagampanan. “I believe in the good casting. Kasi kahit magaling ang artista mo, ‘pag feel niya na hindi bagay sa kanya ‘yung role dapat hindi pinipilit. Kasi hindi lang for the sake of magka-project, very important sa akin ‘yung quality ng film at ‘yung quality ng kakayahan mo. So may mga challenge na sinabi ko na hindi pa yata ako ready na gawin itong role na ‘yan,” paliwanag ni Raymond.

Kapag may ginagawang proyekto ay madalas umanong napagkakamalang suplado ang aktor. Madalas kasing hindi namamansin sa set si Raymond dahil palaging nakapokus sa kanyang karakter. “Usually napagkakamalan akong suplado when I go to the set. Kasi gano’n ako ka-focused pero I’m happy na naiintindihan na nila ako. Kasi ‘pag wala naman ako sa set I’m just like everyone else na palabiro, palangiti, palatawa,” paglalahad ng aktor.  Reports from JCC

Show comments