Female personality na mahilig sa exposure, puro imbento ang istorya sa kanyang nakaraan

Hindi na kailangan pa ng PRO ang isang gaga-gagang female persona­lity. Nabuhay kasi siya sa puro mga inimbentong kuwento tungkol sa kanya para lang siya makilala.

Grabe ang babaeng ito, kahit ano na lang ay inila­lantad niya sa publiko para lang siya magkaroon ng espasyo sa showbiz, napakatapang talaga ng kanyang apog.

Kuwento ng aming source, “Alam n’yo na siguro ang reason kung bakit hindi siya nagtagal, di ba? Pinilit niya kasi ang panahon. Nagmadali siya, kung anu-anong kagagahan ang pinaggagawa niya, kaya ayun, naging maigsi lang ang career niya.

“Mahilig siya sa publicity, enjoy na enjoy siya sa mga kalokahan niya, napakahilig ng babaeng ‘yun sa exposure!” unang sultada ng aming source na parang adwang-adwa sa kanyang mga kuwento.

Halos walang totoo sa mga kuwentong inilabas ng female personality, puro imbento lang ‘yun, talagang lahat-lahat ng mga inilabas niyang istorya tungkol sa kanyang nakaraan ay puro kuwentong-kutsero lang.

Balik-chika ng aming impormante, “Akala niya kasi, e, malilinlang niya ang lahat ng tao, ang akala niya kasi, e, kakagatin ng publiko ang lahat ng mga inilalabas niyang istorya.

“Kaso, nu’ng una lang ‘yun, may mga naniwala sa kanya dahil paiyak-iyak pa ang lokah habang nagkukuwento, di ba? Pero alam niya sa sarili niya na hindi totoo ang mga ikinukuda niya!

“E, nawili siya sa mga kababalaghang inilalabas niya, nagtuluy-tuloy na ang mga kalokahan niya! Kung anu-anong inimbentong istorya na ang inilalabas niya!

“Nu’ng mag-trip ang lukring na ‘yun na tumira sa isang malayong probinsiya dahil ‘yun daw ang buhay na gusto ng karelasyon niya, e, hindi rin sila nagtagal du’n!

“Inaaway niya ang mga kapitbahay nila, konting bagay lang, e, nanunugod na siya! Ano ang nangyari? Pinetisyon siya sa lugar, talagang hindi pumayag ang mga tagaroon na hindi sila umalis ng boyfriend niya!

“Palagi siyang ganu’n, wala siyang kadala-dala, pinaglalaruan niya ang buhay, kaya nu’ng siya na ang pinaglaruan, may nagawa ba siya? Waley! Biglang lubog ang namesung niya dahil sa mga kagagahan niya!

“Naku, kapag umiiyak siya, e, luha ng buwaya lang ‘yun! Hindi totoo, pati ang luha niya, e, iniimbento lang ng babaeng ‘yun na bukaka nang bukaka sa entablado!” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alden, ‘nabuhay’ ang fan na dinalaw

Pandemya ang unang dahilan kung bakit hindi natuloy ang nakaplano sanang pagbabakasyon sa ibang bansa ni Alden Richards kasama ang kanyang pamilya.

Mula nang gumanda na ang takbo ng kanyang karera na kasabay rin siyempre ang paglaki ng kanyang kinikita ay ‘yun na ang ipinangako niya sa kanyang sarili.

Minsan o makalawa ay dadalhin niya ang kanyang pamilya sa ibang bansa para sa masarap na bakas­yon. At tinotoo niya naman ‘yun. Ilang beses na ba silang nagkasama-sama sa Japan kapag may mahaba-haba siyang panahon?

Isa sa pinakamaligayang personalidad si Alden Richards ngayong Kapaskuhan. Hindi lang dahil sigurado na ang kanyang kinabukasan kundi dahil ang bahagi ng mga biyayang meron siya ay maraming kababayan natin ang nakinabang.

Hindi lang niya ipinamamalita ang magaganda niyang nagagawa, wala ‘yun sa kanyang bokabularyo, Diyos na lang ang bahalang humusga sa mabuti niyang puso.

Kuwento ng isang kaibigan namin, “One time, nagpunta si Alden sa subdivision namin, may isa kasi siyang fan na gusto siyang makita. Ni-request siya ng family na magpunta du’n para dalawin ang tagahanga niya.

“Nagpunta siya. Dinalaw niya ang fan niya. Hindi siya nagdamot ng panahon. Alam n’yo ba na after dumalaw du’n si Alden, e, gumanda ang kundisyon ng fan niya?

“As in, lumakas ang fan niya. I don’t know kung paano ko ipaliliwanag ang nangyari, pero hanggang ngayon, buhay na buhay ang fan niya na nagdelikado na ang buhay!” madiing kuwento ng kaibigan namin.

Bahagi na ng buhay ng mga artista ang mga intriga, bashing, at kung anu-ano pang hindi kagandahang kalakaran sa mundo ng showbiz.

Palibhasa’y sikat na sikat na siya, hindi nakaiiwas sa ganu’n si Alden, pero isa siya sa mga artistang may malawak na pisi ng pasensiya. Alam niya ang mundong pinasok niya.

Hindi lang siya basta guwapo, hindi lang siya basta sikat, hindi lang din siya basta mapagkumbaba at marunong lumingon sa kanyang pinagmulan.

Marespeto sa kanyang kapwa si Alden Richards. At ‘yun ang dahilan kung bakit siya biniyayaan nang sobra pa sa pinapangarap niya ng kapalaran.

 

Show comments