Robin, biglang tameme sa paglaya ni Pemberton
Galit na galit noon
Ano ba talaga kuya? Nagtatanong sila, ano nga ba ang talagang stand ni Robin Padilla?
Noong una kasi isa siya sa masigasig sa pagpapahayag laban sa American serviceman na si Joseph Scott Pemberton na nakapatay ng isang Pinoy na bading, na si Jennifer Laude.
Pero ngayon nga, matapos bigyan ni Presidente Digong ng absolute pardon ang Kano, sinasabi na ni Robin na ayos lang naman iyon.
Dahil diyan naiipit na naman si Robin. Pero kagaya rin naman ng ibang tao, wala bang karapatang magpalit ng isip si Robin?
Marami rin namang dahilan kung bakit maaaring nagpalit ang isip ni Robin. Una na nga ang desisyon ng korte na ibaba ang kaso sa simpleng homicide at hindi murder, dahil napatunayan sa korte na nang gawin ni Pemberton ang krimen, siya ay lasing.
Ikalawa, matindi ang kanyang galit matapos na malaman na naloko pala siya at hindi isang babae ang kasama niya kundi isang bading.
Nitong huli, may desisyon din ang korte na dahil sa naging buhay niya sa piitan, si Pemberton ay binigyan na nila ng karapatang lumaya sa ilalim ng good conduct time allowance. Kaya iyong pagbibigay naman ng presidente ng absolute pardon, parang pinatibay na lang ang naunang desisyon ng korte.
Kung ganyan ang given details, puwede ngang magpalit ng isipan si Robin. Maliwanag naman sa batas na ang pagbibigay ng pardon ay absolute prerogative ng presidente. Eh iyan nga may nauna pang ruling ang korte.
Ang susunod na tanong, ano pa ang ibang dahilan kung mayroon man, ng pagpapalit ng isip ni Robin tungkol sa kasong iyan.
Kung kami naman ang tatanungin, si Robin ay artista lamang. Wala siyang kinalaman diyan sa pagbibigay ng pardon, kaya ang sa kanya ay personal na opinion lang.
Claudine, maka-Piolo
Sa panahong ito, na sinasabi nga nilang nalalagay sa alanganin si Piolo Pascual dahil sa mga inilabas sa kanyang vlog ni BB Gandanghari, nagpahayag naman ang aktres na si Claudine Barretto ng suporta kay Piolo. “Nasa likod mo ako,” ang pagtitiyak ni Claudine kay Piolo.
Hindi kataka-taka iyan. Maraming napagsamahang pelikula at teleserye noon sina Piolo at Claudine. Naging mabuti naman silang magkaibigan.
In the past, nakasuporta rin naman si Piolo kay Claudine kaya dapat namang asahan iyan.
Ang kaibahan lang ni Claudine, nakasuporta siya kay Piolo pero wala siyang masamang sinabi laban kay BB. Maliwanag na ang ibinibigay niya kay Piolo ay moral support.
Poging matinee idol na walang career, laos ang approach para kumita
Sa kabila ng kanyang pagsisikap at pagsasabing “ok lang sa akin kahit anong gusto ni boss,” mukhang hindi pa rin nabigyan ng pansin ang dating sikat na poging matinee idol.
Payag na nga siya sa kahit na anong klaseng deal, kahit na under the table deal pa, basta mabigyan lang siya ng projects dahil mahigit isang taon na siyang walang ginagawa, at mukhang nagkamali pa siya ng diskarte nang magpalit siya ng manager niya na wala namang experience. Pero tuluyan na nga siyang lumubog.
Siguro nga sa ngayon, masasabi na rin niyang “mas gusto nila iyong mas commercially viable kaysa sa akin,” gaya rin ng sinabi ng isa pang laos na celebrity.
- Latest