Magkapatid na aktres na magkaiba ang ugali, sa pagsimangot nagkakasundo!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 21, 2019 - 12:00am

Sa isang umpukan ng mga manunulat ay naging paksa ang dalawang kilalang babaeng personalidad. May kumakampi kay Actress A at meron din namang pabor kay Actress B.

Hindi sila magkaiba, magkadugo sila, iisang sinapupunan lang ang kanilang pinanggalingan. Pero ganu’n nga yata, siguradong may malaking pagkakaiba pa rin sila, na pinatunayan ng mga taong nakakasama nila sa trabaho.

Kuwento ng aming source, “Magkaiba nga sila, malaki ang comparison, pero talagang may sariling mundo ang magkapatid na ‘yun!

“Si Actress A na mas matanda, meron siyang tantrums. Mahirap hulihin ang mood niya. May time na para siyang hindi mapakali, kuwento siya nang kuwento, may time naman na kahit makakapalitan mo na siya ng mukha, e, parang hindi ka niya kilala!

“Kuwentuhan nga ng mga kasamahan niya, e, baka puyat lang siya sa pag-aalaga ng anak niya. Puwede rin namang may masakit sa kanya, kaya parang wala siyang kilala kapag dumarating siya sa set!

“May time talagang parang wala siya sa sarili niya, pero naman! Kapag sumalang na siya sa harap ng mga camera, e, okey na okey siya, magaling!” papuri pa ng aming source kay Actress A.

Kakaiba naman ang paglalarawan ng aming impormante tungkol kay Actress B na mas nakababata. Parang trumpo raw ang female personality sa kakulitan.

Patuloy ng aming source, “Kumpara sa ate niya, e, parang mas mada­ling tantiyahin ang ugali ni Actress B. Kahit kasi may kakaibang ugali rin siya, e, may time namang nakikipagtsikahan siya sa mga katrabaho niya!

“Pero saan at kanino kaya sila ipinaglihi ng nanay nila? Bakit kaya parehong simangutera ang magkapatid na ‘yun? Hindi kaya nakain ng mommy nila ang gusto niyang kainin nu’ng ipinaglilihi sila?

“Palaging parehong nanghahaba ang nguso ng magkapatid na ‘yun, nakasimangot sila na para bang pasan-pasan nila ang mundo! Ano kaya ang problema nila talaga?

“Si Actress A, palaging nag-iisip nang malalim. Si Actress B naman, parang sarili niya ang mundo sa pagsimangot! Bakit kaya sila ganu’n?

“Ayaw ba talaga nilang mag-artista pero pinilit lang sila? Kasi, parang ganu’n ang drama nilang magkapatid, e! Ang maganda lang sa kanila, kapag oras na nila ng pagharap sa mga camera, e, alam nila ang ginagawa nila!

“Todo na ang pagngiti ni Actress A, si Actress B naman, e, parang pusang hindi maihi sa kakulitan! Ayun tuloy, sa sobra niyang kataklesahan, e, may problema siyang pinagdadaanan nga­yon!” pagtatapos ng aming source na malukring-lukring tungkol sa magkapatid.

Ubos!

Anak ni Vic iba ang lakas ng charisma!

Mismong si Vic Sotto ang naglabas ng rebelasyon na mula pala nang maluklok na konsehal sa Pasig City ang kanyang anak na si Vico Sotto ay hindi na kailanman nakapasok sa siyudad ang Eat Bulaga.

Nalibot na ng noontime show ang halos lahat ng lugar sa Metro Manila, pero sa Pasig City ay hindi sila pinapayagang makapag-remote, hindi sila binibigyan ng permiso.

Pero ngayong mayor na ng Pasig ang kanyang anak ay malaki ang pag-asa ng aktor-TV host na makapapasok na ang noontime show sa siyudad, kung magbiro nga naman ang kapalaran, sagad.

May kababawan ang kuwento, pero nu’ng kasagsagan ng kampanya ay bumibida ang istorya ng biko, ang paboritong kakanin ng mga Pinoy.

Sabi ng isang source, “Ipinagbawal daw ang pagtitinda ng biko sa Pasig, lalo na du’n sa mga naglalako sa kalye. Ang sigaw kasi ng tindera, ‘Biko kayo d’yan! Biko! Biko!!!’

“Pero sabi naman ng kampo ni Eusebio, e, hindi raw totoo ‘yun! Malaya raw namang nakapagtitinda ng biko ang mga tagaroon, kahit ang mga naglalako sa kalye!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Millennial mayor ang tawag ngayon kay Mayor Vico Sotto dahil sa kanyang edad. Suntok sa buwan ang paglaban niya sa mga Eusebio, alam niyang pader ang kanyang babanggain, pero sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan ay kinaya niyang igupo ang pulitikong matagal nang nagbubutas ng upuan ng pagka-mayor sa Pasig.

Matalino na ay napakalakas pa ng charisma ng batang mayor, kitang-kita rin ang magandang pagpapalaki sa kanya nina Vic at Coney Reyes, kaya hindi nagkamali ng iniluklok ang mga taga-Pasig bilang ama ng kanilang siyudad.

VICO SOTTO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with