Female personality matagal bago nauntog sa mga kapalpakan ng mister na siya ang sinisisi!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 21, 2019 - 12:00am

Matagal na matagal na panahon munang binalanse at pinag-isipan ng isang female personality ang mga magiging senaryo kapag tuluyan na siyang nakipaghiwalay sa kanyang mister.

Ilang taon na siyang nagsasakripisyo pero kinaya niyang lunukin ang lahat-lahat. Gusto niya kasing lumaki ang kanilang mga anak sa isang buo at masayang pamilya.

Pero may hangganan nga ang pagtitiis, mapapatid din ang kahit gaano kahabang pisi ng pasensiya, isang araw ay nagi­sing na lang ang female personality na handang-handa na siyang kausapin ang kanyang mister para magsaulian na sila ng kandila.

Kuwento ng aming source, “Matiisin ang girl, sa loob nang maraming taon, e, kinaya niyang itago sa pamilya niya ang lahat-lahat. Kapag kinukumusta siya ng mga kapatid niya, e, nagpapanggap siyang maayos, pero gusto na niyang sumigaw at umiyak.

“Gustung-gusto na kasi niyang makipaghiwalay, hindi na niya kayang tiisin ang mga pinagdadaanan niya, pero ang palagi niyang concern, e, ang kanilang mga kids.

“Galing sya sa isang buong pamilya, ang husband pa nga niya ang hindi, pero lumalabas na ‘yung guy pa ang hindi yata nangangarap ng isang buong pamilya para hindi matulad sa pinagmulan niyang sitwasyon!” simulang kuwento ng aming impormante.

Ayon din sa isang source na malapit sa dating mag-asawa ay puro pagtitimpi lang ang ginagawa ng female personality. Palagi siyang napapahiya sa harap ng kanilang mga kaibigan.

Sabi ng impormante, “Para kasing wala siyang nagagawang tama. Napakatalino niya, ‘yun ang feeling ng lalaki, wala nang mas tatalino pa kesa sa kanya!

“E, sandali lang naman muna. ‘Yung mga kapalpakan bang nangyari sa buhay nila, sa mga pinasok nilang business, ang girl ba ang nagdesisyon? Ang napakatalinong lalaki ang pumasok sa lahat ng ‘yun!

“Pero pinalalabas niyang ang girl ang nagkamali, ligtas siya sa sisihan, napakaraming beses siyang pumalpak na ang may kasalanan pa rin, e, ang babae!

“Ang daming natuwa nu’ng finally, e, nag-decide na ang girl na humiwalay. May katamaran pa naman ang guy, mabigat ang katawan, kaya ang babae ang galaw nang galaw!

“Mabuti naman daw at nauuntog na sa katotohanan ang girl na hindi sapat ang love sa isang relasyon. Tama ‘yun, kahit tanungin pa natin si mayor!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Aiko marunong magpakumbaba

Hindi na kailangan pang mag-Semana Santa, mag-Pasko at mag-Bagong Taon para ang dalawang pusong nagkalayo ay muling magkalapit.

Totoong mahiwagang gamot ang panahon pero puso pa rin ang magdidikta kung handa na tayong makipagsalubong sa gitna sa taong hindi natin nakaintindihan.

Katatapos lang naming mananghalian ilang araw na ang naka­raraan nang makatanggap kami ng tawag mula sa numerong wala sa aming phone book.

Sabi ng nasa kabilang linya, “Nanay, magandang hapon po. Si Aiko Melendez po ito. Gusto ko lang pong magpasalamat sa inyo.”

Sinsero ang aming tugon, isang malakas na “Anak!” ang ganti namin, dahil napakasarap sa pakiramdam kapag may nasirang tulay na mu­ling nabubuo.

Para siyang bata, “Nanay, bati na po tayo. Patawarin n’yo na po ako.” Mas mabilis pa sa alas kuwatro naming tugon, wala siyang dapat ihingi ng tawad, sinaktan din namin siya pero ang lahat ng naganap ay tapos na.

Dalawang Ogie na malapit sa aming puso ang naging dahilan ng pagtawag sa amin ni Aiko, ang anak-anakan na­ming sina Ogie Diaz at Ogie Narvarez Rodriguez, sila ang nagparating kay Aiko na palagi namin siyang idinedepensa sa radyo at sa aming mga kolum.

Ganu’n naman kasi dapat. Kahit may pader sa ating pagitan, kapag nasa tama ang ating nakaalitan, ay sa kanya dapat nakaangkla ang ating opinyon.

Mula nu’ng bata pa siya hanggang ngayon ay hindi pinagbabago ng popularidad ang pagiging mapagkumbaba ni Aiko Melendez. Marunong siyang yumukod kung kinakailangan. Mapagpahalaga siya sa pinagsamahan.

Minamarkahan namin ang mga personalidad na hindi man namin kakampi sa opinyon ay marunong rumespeto. Nasasaktan pero hindi namemersonal. Umuunawa sa buhay at trabaho ng mga manunulat.

Anak namin si Aiko Melendez. Anak na pinupuri kapag gumagawa ng maganda. Anak na pinapalo kapag nakalilimot sa kanyang limitasyon.

Pero mahal na anak pa rin.

AIKO MELENDEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with