Sa paglipat sa permanenteng bahay, Alden at Maine nangako ng bagong memories!

Matapos ang halos apat na dekadang pamamayagpag sa telebisyon lumipat na sa sariling tahanan ang Eat Bulaga.

Mahigit 20 years ding ginawang bahay ng EB ang Broadway Centrum na isang lumang sinehan, kung saan araw-araw na pumipila ang daan-daang mga ‘dabarkads’ na gustong manood ng live episodes ng noontime show. Hindi pansin ng fans ang init at haba ng pila sa labas ng Broadway Centrum dahil sulit na sulit naman umano lalo na kapag personal na nilang nasilayan ang mga host na pinangungunahan nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon o ang TVJ.

Pero ngayon bongga na at tiyak mas magiging comfortable ang mga loyalista ng programa, maging ang mga host at production staff nito matapos buksan ang bagung-bago at permanenteng studio nito -- ang APT Studios sa Cainta, Rizal noong Sabado, ika-8 ng Disyembre.

Ang nasabing studio ay nakatayo sa isang 9,200 sq. m. na lote sa kabahaan ng Marikina-Infanta Highway at 10 minuto lamang ang layo mula sa Santolan Station ng LRT 2 na sa labas pa lang ay agaw-pansin na dahil ang harap nito ay dinisenyo na parang isang entablado na binalot sa pulang telon na bahagyang nakabukas at nasa loob ang saya at sorpresa.  

Maraming programa na rin sa mga kalabang istasyon ang sumubok sa tatag ng Eat Bulaga pero wala pa sa kanila ang nagtagumpay na wasakin ang record ng nasabing show. Hindi makuha ang tried and tested nitong formula na patok sa karamihan ng mga manonood: ang masa.

“Iyon siguro ang susi rin at bukas na lihim ng Eat Bulaga. Simula noon ay hindi kami bumibitiw sa nakararami naming tagapanood na hanggang ngayon ay patuloy pa ring tumatangkilik sa amin,” ayon kay Joey de Leon, ang isa sa mga orihinal na host ng programa.

Si Joey ang nakaisip ng pangalang Eat Bulaga noong 1979.

 “Kung mapapansin mo, English iyon at Tagalog. ‘Eat’ ay Ingles at ‘Bulaga’ naman ay Tagalog. Kasi inisip ko talaga noon na dapat kasama lahat. Ito ay show na bukas sa lahat ng Pilipino mula sa kahit anumang antas ng pamumuhay: A, B, C, D, hanggang F, G,” dagdag pa ni Joey.

“Salamat sa dedikasyon ng mga tao sa likod at harap ng camera, at sa katapatan ng mga manonood nito, mula sa simpleng pinagmulan nito noong una itong umere sa Channel 9.

“Halos umabot muna ng isang taon bago kami nakatikim ng una naming suweldo noon,” pagbabalik-tanaw ni Joey. “Pero ang catch: naiwan pa sa taxi,” kuwento pa niya tungkol sa isang insidente sa unang mga taon ng programa kung saan naiwan sa isang taxi ang perang dapat ipampapasuweldo sa mga host at staff nito.  

“At saka iyong unang 10 taon namin, kanya-kanya kaming tanghalian. Kami nila Vic at Tito, talagang nabuhay kami sa siopao at mami. Nalibre lang kami ng pagkain noong lumipat kami sa Celebrity Sports Plaza. Kasi may word na ‘celebrity’ na, siguro nahihiya sila, pinakain na iyong mga celebrity,” pag-aalala pa ng beteranong host.

At ngayon nga ay may sarili na silang studio - isang tahanang simbolo na rin ng tagumpay nito.

“Ang feeling namin is it’s a blessing,” ayon kay Antonio “Mr. T.” Tuviera, President and Chief Executive Officer ng Television and Production Exponents (T.A.P.E.), Inc., ang kumpanya sa likod ng programa.

Ani Mr. T, matagal pinlano ang pagpapatayo ng bagong studio dahil marami umano siyang naiisip na ipadagdag dito kasi bukod sa maganda ay gusto rin niyang maging komportable ang mga audience at host ng programa habang nasa loob nito.

“That’s why we would like to give it back to the audience, to everybody, because we owe it to them. Hindi naman maitatayo itong mga ganito without them,” paliwanag ni Mr. T.

Bagama’t excited ang co-hosts na sina Alden Richards at Maine Mendoza sa paglilipat-bahay ng noontime show, hindi rin nila umano maiwasang ma­ging sentimental sa paglisan nila sa Broadway Centrum kung saan nabuo ang kanilang love team.

 “Maraming memories din namin ni Maine ang nabuo noong mga panahong nasa Broadway Centrum pa kami, kasi doon naman talaga nag-umpisa ang lahat. In fact, doon sobrang nabago ang buhay namin pareho,” saad ng aktor.

“Ngayon po na ‘eto meron na kaming sariling tahanan, siguradong ito ay umpisa ng panibagong memories na naman; marami na naman kaming pagsasamahan dito. So ako very excited ako sa mga susunod na mangyayari dito simula ngayong araw,” dagdag naman ni Maine nung unang araw nila sa bagong studio.

Bilang pasasalamat ng Eat Bulaga sa pagbubukas ng kanilang bagong studio ay namigay ito ng isang bagong house and lot. Lahat din ng mga pinalad na makapasok sa studio ay nag-uwi ng groceries at noche buena package.

 “Ito na ang umpisa ng EB version 4.0.  Ang studio na ito ay para sa mga susunod na henerasyon ng mga dabarkads,” sabi naman ni Vic sa umpisa ng lipat-bahay episode.

“More than just a house, it is a home -- a home that is not just for our dabarkads in the past or at present but more importantly for the dabarkads in the future,” paliwanag ni Mr. T. “Sabi nga ni Joey, maski grumadweyt na kami, nandito pa rin ang Eat Bulaga.”

 “Ang aming studio ay bukas para sa bawat Pilipino na gustong makatikim ng ‘isang libo’t isang tuwa’ na hatid ng ‘Eat Bulaga.’ Kami’y nagpapasalamat sa inyong walang-sawang pagsuporta sa amin sa loob ng halos 40 taon. At hangga’t naririyan kayo, magpapatuloy ang Eat Bulaga,” pangako ni Joey.

Show comments