Veteran actress mas piniling maglasing kesa mag-attend ng awards night!

Kaya pinaglalaruan ng kapalaran

May edad na ang isang ba­baeng per­sona­lidad na minsan isang panahon ay naging malapit sa isang sikat na female personality. Parang ate-ate ito ng sikat na aktres.

‘Yun ang panahong halos walang napapakinabangan sa kanyang maghapon ang beteranang aktres dahil palagi itong ipinasusundo sa bahay ng sikat na aktres.

Kuwento ng aming source, “May pamilya ang veteran actress, pero mas mahaba ang panahong nakakasama niya si ____(pangalan ng sikat na aktres), kasi nga, kauuwi pa lang niya, e, nandu’n na agad ang sundo niya!

“Compensated naman ang pagsama-sama niya sa sikat na aktres dahil palagi siyang kasama sa mga pelikulang ginagawa nu’ng sikat na girl. Sa dami ng projects nu’n ng sikat na female personality, e, panalung-panalo na rin siya.

“Kayang-kaya niyang ikuwento from A to Z ang ugali ng sikat na aktres. Minsan daw, e, nakagayak na silang lahat para um-attend sa isang awards night.

“Naayusan na ang aktres, suot na niya ang mamahalin niyang gown, paalis na lang talaga sila, pero biglang nagbago ang isip niya. Ayaw na niyang pumunta sa awards night.

“Pinaghahandaan ng mga artista ang gabing ‘yun, lalo na ng mga mananalo ng awards, pero kakaiba ang sikat na aktres. Kapag ayaw niya ay ayaw niya, gagawa at gagawa siya ng paraan para hindi na sila makaalis!

“Nu’ng nalingat lang sila, e, nakita na nila ang girl na tinatanggal ang make-up niya. Wala na ang make-up niya, sino pa ang mag-aayos uli sa mukha niya?

“Wala na, binura na niya ang make-up niya. Kasi nga, e, ayaw na niyang dumalo, ganu’n lang kasimple ‘yun!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Mas gusto niyang pinalilibutan siya ng mga kaibigan niya, magpapakuha siya ng mga bote ng mamahaling alak, lumilipas ang maghapon nila at magdamag sa inuman lang.

“Nakakaawa ang fans niya na nag-aabang sa kanya. Galing pa sa malalayong probinsiya ang mga tagahangang naghihintay sa kanya. Pero wala siyang pakialam! Kapag sinumpong siya, basta na lang siya nagde-decision na ayaw na niyang umalis!

“Ganu’n siya katinding sumpungin, nilalaro niya ang pagkakataon, kaya look n’yo naman ngayon, siya na ang pinaglalaruan ng kapalaran. Kailangang-kailangan ng milagro ang career niya,” panghuling kuwento ng aming impormante.

Ubos!

Batang nam-bully walang karapatan sa black belt!

Nasubaybayan namin ang pagiging aktor at atleta ni Congressman Monsour del Rosario. Kaya niyang magpatumba ng limang nagmamatapang na lalaki nang sabay-sabay dahil sa galing niya sa taekwondo pero hinding-hindi niya ginamit sa maling paraan ang kanyang kapangyarihan.

Lagi siyang kinatawan ng ating bansa sa iba-ibang kumpetisyon, hanggang sa makarating na siya sa Olympics, pero ang mga kamay ni Monsour ay malinis na malinis.

Siya ngayon ang Secretary General ng Philippine Taekwondo Association, mataas ang kanyang posisyon, pero hanggang sa pormal na labanan lang niya ipinakikita at ginagamit ang regalong talento sa kanya.

Madaling intindihin ang kanyang saloobin ngayon dahil sa pagkakasangkot sa kabarumbaduhan ng isang kahanay niya na nam-bully sa kapwa mag-aaral sa Ateneo.

Bansutin ang bully, halos bahagya lang na umangat sa lupa, pero ang kayabangan at kawalanghiyaan nito ay kakabog sa matatangkad na kalalakihan.

Ipinapako sa krus ng buong bayan ngayon ang estudyanteng bully, pinupuwersa ng mga magulang ang kanilang paaralan na itaboy palabas ang salbaheng mag-aaral, dahil baka isang araw ay ang kanilang mga anak naman ang biktimahin ng bastos na bully.

Sinasang-ayunan namin ang pananaw ni Cong. Monsour, nasaan ang mga magulang ng batang ito na akala mo pag-aari na nito ang mundo kung makaasta, kailangang tutukan ng mga magulang ang kanilang mga anak para hindi napapagitna sa ganito katinding kahihiyan.

Ang unang porma ng disiplina ay nagsisimula sa tahanan, pangalawa na lang ang natututuhan sa paaralan, kaya kung paano inuupakan ng mga kababayan natin ang batang bully ay puro apdo at ampalaya rin ang sinasahod ng kanyang mga magulang sa social media.

Nasaan na ang litanyang sinusunod at isinasapuso ng mga mag-aaral ng taekwondo? Napakalinaw nu’n.

“Look, my hands are empty, I do not want to fight. But if my aggressor will attack me, I’ll be forced to defend myself.”

Sapok. Sipa. Suntok. Ganu’n bang klase ng disiplina meron ang batang bully? Hindi lang ito dapat isuka ng Ate­neo. Dapat ding tanggalan ng sinturon sa taekwondo ang mapagmalabis at maangas na batang ito!

Show comments