MMFF gwardyado ang mga namemeke ng passes

Ilang araw na kaming nagpapa-survey sa radio program namin kung alin sa walong pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2018 ang unang panonoorin, at alin naman ang pinakahuli.

Wala gaanong nag-comment kung alin ang huli nilang panonoorin, dahil karamihan naman ay hindi naman nila panonoorin ang walong pelikula.

As expected, naglalaban pa rin ang pelikulang Fantastica nina Vice Ganda, Dingdong Dantes, at Richard Gutierrez at ang Jack Em Popoy nina Vic Sotto, Coco Martin at Maine Mendoza.

Merong nagti-text sa amin na tatlong heneras­yon sa pamilya nila, dahil ang parents daw nila pabo­rito si Bossing Vic, sila naman daw ay supporters ni Coco at ang mga bagets, type na type si Maine. Kaya mukhang pampamilya nga itong kina Vic, Coco at Maine.

May nagkuwento rin sa aming puring-puri raw ng screening committee ng MMFF itong Jack Em Popoy dahil matino raw ang pelikula at nakakatuwa.

Wala pa akong naririnig tungkol sa Fantastica.

Kaya inaasahan na ang matinding bakbakan ng dalawang malaking pelikulang ito.

Pero ang isa pang pinag-uusapan ay kung alin sa walong pelikulang kalahok ang magiging surprise hit.

Kagaya ng pelikulang Siargao nung nakaraang taon, humataw ito sa takilya pagkatapos humakot ng awards.

Ngayong taon, posibleng makikipaglaban daw sa awards ang Rainbow’s Sunset, at malay natin baka lalaban din ang One Great Love nina Kim Chiu at Dennis Trillo at ang Aurora ni Anne Curtis.

Samantala, napag-alamang after December 17 pa raw magpapa-presscon ang MMFF at mamimigay ng season pass.

Gusto nila yung malapit na sa showing sa December 25 para wala na raw panahong magpa-imprenta ang iba.

Nadiskubre nila nung naka­raang taon na may mga nagpa-imprenta at marami raw ang nakalusot na mga pekeng Season’s Pass.

Ngayon ay maingat ang mga MMDA sa paggawa ng Season’s Pass at may itinatak daw sila para madaling malaman kung peke o hindi.

Ipinaalam na rin ng Execom ng MMFF na ang lungsod ng Parañaque ang sponsor ng naturang filmfest kaya doon sa Paraña­que iikot ang parade sa December 23.

Magsisimula ang parade ng ala-una ng hapon na magsisimula sa tapat ng Shopwise sa Dr. A. Santos Ave., tapos kakaliwa sa Medina Ave. (Kabihasnan), kakanan sa Quirino Ave., kaliwa ng MIA road (using the Eastbound lane), kanan pa Macapagal Blvd. (Eastbound lane), at kaliwa sa Bradco Ave., Aseana City.

Medyo mahaba ang paradang ‘yan na sana hindi na aabot ng gabi.

Sa December 27 naman ang Gabi ng Parangal na gaganapin naman sa The Theatre ng Solaire.

Malamang pagkatapos ng awards night, mababago ang box-office performance ng mga pelikulang kalahok.

Pero in-demand pa rin sa video greetings, Cesar may karay-karay na magandang babae

Kapansin-pansin ang magandang babae na kasama raw ni Cesar Montano na dumalo sa gift-giving na in-organize ni Ogie Diaz na siyang founder ng Kasuso foundation.

Regular na nagbibigay ng regalo si Ogie sa mga breast cancer patients sa East Avenue Medical Center, at  kamakalawa ng hapon, mahigit 300 patients ang pinasaya nila sa tulong ng mga sponsors ni Ogie na nagbigay ng donasyon.

Dumating doon si Cesar dahil personal niyang ibinigay ang 70 thousand pesos na nalikom niya sa kanyang pa-golf tournament na ginanap sa Pra­dera sa Lubao, Pampanga.

Sinipat lang ng ilang reporters at mga kabadi­ngan ang magandang babae na kasama ni Cesar, pero walang nangahas na magtanong kung siya ba yung girl na background sa kontrobersyal na video greeting ni Cesar.

Sabi lang ni Cesar nang nakatsikahan doon ng ilang kabadingan, ma­saya raw ang Pasko niya ngayon.

“Lagi namang happy eh. Siyempre Christmas,” nakangiting tugon ng actor/director.

Lalong naging malapit daw siya sa Diyos, at ngayon ay may pinag­ha­handaan siyang pelikulang pag­bibidahan at ididirek.

Kuwento raw ito ng isang bayani, pero hindi pa muna niya masabi kung kaninong kuwento ito.

Katatapos lang niya ng isang pelikula na dinirek na kung saan tampok doon ang Hollywood actor na si Stephen Baldwin, at iba pang beterano nating artistang sina Tirso Cruz III, Boots Anson-Rodrigo, Jean Garcia at si Lani Mercado.

Natatawa na lang daw si Cesar kapag nahihingan ito ng video greeting. Nakatuwaan ng kaibigang Jerry Olea ng PEP na hingan ng video greeting si Cesar para kay Cong. Vilma Santos.

Kasi-celebrate lang kasi nina Sen. Ralph Recto at Cong. Vi ng kanilang wedding anniversary kaya binati siya sa video ni Cesar at Merry Christmas na rin.

Nakarating daw iyun kay Vilma, ang unang reaction daw niya, natawa at natuwa.

JC ayaw pag-artistahin ang anak

Proud na proud si JC de Vera sa anak niya, kaya madalas niyang ipinu-post ito sa kanyang Instagram account.

Sobrang cute nga ng bagets, kaya may mga agent na raw na gustong kunin ang anak niya para sa mga commercials.

Okay naman daw si JC kung commercial lang muna, o kahit pictorial. Pero ayaw daw niya muna talagang pag-artistahin.

“Siguro kapag nasa tamang edad na siya at gusto niya talaga mag-artista, dun na lang pag-umabot kami sa point na ‘yun,” pakli ni JC.

Lalo nga siyang na-inspire ngayon sa trabaho, dahil may isang buhay na umaasa sa kanya.

Ito na nga raw ang isa sa itinuturing niyang One Great Love na ikinakabit sa promo ng MMFF entry nila nina Kim Chiu at Dennis Trillo.

Show comments