Pacman nilinaw na hindi namimigay ng balatong kotse!

Senator Manny Pacquiao
AFP Photo/MPP/Wendell Alinea

Nakabalik na si Senator Manny Pacquiao sa General Santos City pagkatapos ng successful boxing fight niya sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Linggo.

Ang maglabas ng official statement ang unang agenda ni Papa Manny dahil may mga mapagsamantala na gumagamit sa kanyang pangalan at ipinagkakalat ang tsismis na mamimigay siya ng balato mula sa milyones na dolyares na kinita niya mula sa boxing match nila ni Lucas Matthysse sa Axiata Arena.

At bilang Kapuso contract star si Papa Manny, ang GMA Network Inc. ang tumulong sa kanya sa pagpaparating sa publiko ng information na fake news na kinasasangkutan niya.

“Nakarating sa aking kaalaman na may mga kumakalat na balita sa social media na ako ay mamimigay ng mga premyo bilang balato dahil sa aking pagkakapanalo.

“Nais ko pong ipaalam sa lahat na walang katotohanan ang mga ito. Fake news po ang contest na ito kaya’t huwag po kayong maniniwala at magpapaloko sa maling balita. Salamat po,” ang official statement ni Papa Manny na ipinamahagi ng Kapuso Network para hindi magoyo ng mga mapagsamantala na nilalang ang ating mga kababayan.

Pacquiao gusto ng rematch kay Mayweather!

Kung kilala natin si Papa Manny, ang tipo niya ang magbibigay ng donasyon sa mga charitable institution pero hindi siya basta mahaharbatan ng mga nanghihingi ng datung.

Fake news ang mga pa-contest na tinutukoy ni Papa Manny pero totoo ang balita na type niya na makalaban uli sa boxing ring ang American boxing superstar na si Floyd Mayweather, Jr.

Sobrang kundisyon ngayon ang katawan ni Papa Manny kaya sure ako na kayang-kaya at handang-handa siya na makipagbakbakan uli kay Mayweather Jr. pero mangyayari lamang ito kung tatanggapin ng huli ang offer ng Pambansang Kamao.

Sa true lang, na-excite ako sa possibility na magkaroon ng Part 2 ang sagupaan ng dalawa dahil ramdam ko na magiging madali para sa Pinoy boxing champ na talunin si Mayweather, Jr.

Rocco walang pinagkaiba sa basher na ‘Sarap Sampalin’

Mabuti naman, nag-sorry na si Rocco Nacino kay Jolo Revilla dahil sa kanyang tweet na “Bola muna bago droga…sarap sampalin.”

Marami ang naimbyerna kay Rocco dahil sa nega comment nito sa sinabi ni Jolo na hindi sinasadya ang pagkakamali at binawi agad ang kanyang sinabi.

Sa kanyang apology, inamin ni Rocco na nagkamali siya.

“Mali na nag-comment ng ganon, pasensya na at ako’y humihingi ng tawad sa mga nagalit.

“It just really made my day! At the end of the day, tao nga lang talaga tayo lahat nagkakamali hehe.”

Walang ipinagkaiba si Rocco sa mga basher na super-react ng negative, kahit alam nila sa sarili na nagkamali lang si Jolo na nagsalita agad ng “Actually, bola muna hindi droga.”

Ang mga negative reaction ng mga tao ang ebidensya na mas pinaiiral nila ang negative thoughts at palagi silang naghahanap ng butas para manira ng kapwa.

Kitang-kita naman sa video ni Jolo na nagkamali lang ito ng pahayag at bumawi siya agad.

Alam din ng lahat na galit si Jolo sa illegal drugs kaya imposible na i-encourage niya ang mga kabataan na maglaro muna ng basketball bago gumamit ng droga. Tanga lang talaga ang nagbigay ng malisya sa hindi sinasadya na pagkakamali ni Jolo.

Mabait na tao si Jolo at dahil kilala ko siya, alam ko na tinanggap niya ang apology ni Rocco na sure ako na walang tapang at kakayahan na manampal ng tao. Sa totoo lang, si Rocco at hindi si Jolo ang napulaan ng mga tao dahil sa kanyang very irresponsible comment na

“Sarap sampalin,” isang classic case ng tao na nakisawsaw lang sa isyu pero siya ang napahamak ng bonggang-bongga.

Show comments