Heart nakahanda na sa May 9!

Kahit ano pa ang maging resulta ng eleksyon sa darating na Lunes, winner pa rin si Senator Chiz Escudero dahil sa pagkakaroon ng isang maganda at very supportive wife, si Heart Evangelista na nag-enjoy sa pangangampanya sa mga palengke.

Knows nating lahat na sheltered daughter si Heart dahil hindi ito pinapayagan ng kanyang mga magulang na magpunta kung saan-saan noong dalaga pa siya.

Never na naranasan ni Heart na dumayo sa mga wet market pero nasubukan niya ito sa vice presidential campaign ni Papa Chiz at nag-enjoy siya nang todo.

Apat na araw bago ang eleksyon, humarap ang mag-asawa sa entertainment press para personal na magpasalamat sa lahat ng mga suporta, hindi lamang para sa kandidatura ni Papa Chiz kundi pati na rin sa showbiz career ni Heart.

Wala nang time ang dalawa para magpasalamat sa mga susunod na araw dahil uuwi na sila sa Sorsogon para bumoto, pagkatapos ng miting de avance ng Partido Galing at Puso sa Plaza Miranda na mangyayari bukas, May 7.

Registered voter si Heart sa hometown ni Papa Chiz kaya kasama siya na bibiyahe sa Sorsogon at dito na nila hihintayin ang resulta ng eleksyon sa Lunes.

Hindi naman magtatagal si Heart sa Sorsogon dahil babalik siya agad sa Quezon City para sa taping ng Juan Happy Love Story, ang bagong primetime show niya sa GMA 7 na magsisimula sa May 16.

Sinabi ni Heart na kung anuman ang magiging resulta ng elek­syon, maluwag sa loob na tatanggapin nila ni Papa Chiz at ganito rin ang statement ng kanyang asawa.

“Lahat ng takbo ko mula 1998, 2001, 2004, 2007 and 2013, limang eleksyon, ang ipinagdarasal ko palagi sa Diyos, ibigay ang kaloob Niya.

“Hindi ko ipinagdasal, ni minsan, na manalo kasi baka hiniling mo ang isang bagay na hindi naman pala para sa’yo. Halimbawa, may tumakbo o manalo pero tingnan mo ang mangyayari sa kanya, ayokong magbigay ng pa­ngalan kasi negative vibes ‘yon.

“Tumakbo nga siya at nanalo pero pagkatapos ng eleksyong ito, lahat ng miyembro ng pamilya niya, malamang, shoot sa balde at kakasuhan at makukulong.

“Minsan, kung hindi kaloob, huwag mong hilingin. Hilingin mo lang kung ano talaga ang para sa ‘yo. Pangalawa, kada-eleksyon na mag­dedesisyon ako kung tatakbo o hindi, sinabi ko rin ito kay Senator Grace (Poe), nu’ng tinanong niya ako ng payo kung tatakbo ba siya o hindi.        

“Sabi ko sa kanya, dalawa lamang ang posibleng outcome ng eleksyon, mananalo ka o matatalo ka. Tanggap mo ba ‘yung dalawang ‘yon? Kaya mo bang mabuhay at tanggapin  ‘yung dalawang posibilidad na yon?

“Kung ang sagot mo ay oo, walang rason para hindi ka tumakbo pero kung ang rason mo, hindi kahit sa isa, ibig sabihin magwawala ako, mababaliw ako, malulungkot ako, maluluha ako, made-depress ako kung matalo ako or natakot akong matalo, ano ang gagawin ko? 

“Isang negatibong sagot sa dalawang posibilidad, huwag ka nang tumakbo. Lahat ng tumatakbo, dapat bukas ang isipan sa dalawang posibilidad. Hindi ko ginawang tatlo ha?

“Sa Pilipinas kasi, tatlo ang klase ng kandidato, ‘yung nanalo, yung  natalo at ‘yung dinaya. Sa libro ko, dalawang klase lang ang kandidato, nanalo at natalo, kung nadaya ka, ibig sabihin, hindi mo nabantayan at hindi mo ginawa lahat ‘yung puwede mong magawa para tiyakin na malinis at kapani-paniwala ang eleksyon,” ang very positive na paliwanag ni Papa Chiz.

Show comments