HS student kinidnap ng chat mate!

MANILA, Philippines – Isa sa mga kinahuhumalingan ng kabataan ngayon sa Internet ay ang pakikipagkaibigan sa chat pero paano kung ito pala ang maging dahilan para mapahamak ang isang bata?

Ngayong Sabado sa Magpakailanman, panoorin ang napapanahong kwento ni Rica, isang dalagitang nagkaroon ng chat mate na magsasamantala at kikidnap pa sa kanya.

Larawan ng isang ideal na pamilya sina Rica. Namama­sukan ang kanyang daddy sa isang private company at maganda rin ang kita nito. Pinahinto ng daddy niya ang mommy Mylene niya sa trabaho para alagaan na lamang sila. Kaya ring bilhin nina Rica ang anumang magustuhan nilang gamit at laruan.

Kahit may kaya, lumaki namang mabait at masunurin si Rica sa kanyang mga magulang. Masipag din siyang mag-aral at topnotcher pa sa klase. Subalit, nagbago ang lahat nang tumungtong na si Rica sa high school. Nambabae ang kanyang daddy kaya nakipaghiwalay ang kanyang mommy. Hindi na rin sila sinuportahan ng kanyang daddy. Dahil dito, nagrebelde si Rica. Nakipagbarkada siya sa mga pasaway sa eskwelahan at bumaba ang kanyang grades.

Bilang parusa, pinagbawalan si Rica ni Mylene na lumabas ng bahay.  Natuto tuloy si Rica na makipag-chat. Nakilala niya sa isang chatroom si Edgar. Naikwekwento ni Rica kay Edgar ang sama ng loob nito sa kanyang pamilya. Pinapayuhan naman lagi si Rica ni Edgar ng tama kaya naging magkaibigan sila.

Nang magkita sila ng personal, nagulat si Rica dahil akala niya ay kasing edad lamang niya si Edgar pero hindi pala, 35 years old na si Edgar. Imbes na lumayo, naging palagay pa lalo ang loob ni Rica kay Edgar dahil mabait naman ito sa kanya. Ang hindi alam ni Rica ay may masama palang balak si Edgar sa kanya.

Isang araw, sapilitang isinama ni Edgar si Rica. Kahit ano’ng pagmamakaawa ni Rica ay pwersahan siyang pinasok sa loob ng kotse at inilayo ni Edgar.

Mabawi pa kaya si Rica ng kanyang pamilya? Ano’ng gagawin ni Mylene para makuha si Rica kay Edgar? Tuluyan na nga bang mapapahamak si Mylene sa kamay ng kanyang masamang chat mate?

Tampok sa nasabing episode sina Glydel Mercado, Neil Ryan Sese, Kier Legaspi, Jazz Ocampo, at Lou Sison.

Show comments