Sa traffic lang namamahinga Alden pansin na pansin na ang pangangayayat

Ang pangangayayat ni Alden Richards ang napansin ng mga guest sa birthday celebration ni Bea Binene.

Sino ba naman ang hindi papayat sa kaliwa’t kanan na commitments ni Alden na walang pahinga pero hindi nawawalan ng energy?

Hindi madali ang araw-araw na pagbibiyahe ni Alden mula sa bahay nila sa Sta. Rosa, Laguna hanggang sa studio ng Eat Bulaga sa Broadway Centrum at sa set ng My Bebe Love.

Idagdag pa riyan ang stressful na trapik na si­guradong tinutulugan na lang ni Alden dahil ito ang pinakapahinga niya.

Hindi naman maririnig na nagrereklamo si Alden dahil gustung-gusto niya ang kanyang mga ginagawa. Mabuti na ang busy sa rami ng trabaho kesa maging busy siya sa pag-iisip ng mga raket dahil walang mga show na dumarating.

Mga kaibigan ni Bea nagpaiwan

Hindi na ako dumalo sa debut party ni Bea sa Manila Hotel noong Martes kahit invited ako dahil tiyak na mapupuyat lang ako.

Tama ang desisyon ko na huwag pumunta dahil nalaman ko na 12 midnight na nang mag-uwian ang mga bisita pero nagpaiwan ang close friends ni Bea.

Nagsimula ang showbiz career ni Bea bilang child star kaya parang ang tagal-tagal na niya sa showbiz at may mga hindi makapaniwala na 18 years old lamang siya.

Isa si Bea sa mga batang showbiz dahil na­subaybayan ng mga tao ang kanyang paglaki at pagdadalaga.

Jake ‘di natiis ang debut ni Bea

In fairness, umapir si Jake Vargas sa birthday party ni Bea, kesehodang hiwalay na sila.

Napahiya ang mga nagsabi na hindi invited si Jake sa debut party ni Bea dahil hindi maganda ang kanilang paghihiwalay.

Panahon lamang ang makapagsasabi kung magkakaroon pa ng Part 2 ang kanilang relasyon. Mga bagets pa naman sina Bea at Jake kaya may posibilidad na magkabalikan sila kapag nag-mature na nang husto ang mga pananaw nila tungkol sa buhay at pag-ibig.

Pacman nakipagkita sa Hari, may binabalak na negosyo sa Dubai

May duda ako na business with pleasure ang dahilan ng pagpunta ni Congressman Manny Pacquiao at ng kanyag misis na si Jinkee sa Dubai.

Kasama ng mag-dyowa sa Dubai si Eric Pineda, ang business manager ni Papa Manny na kilala rin bilang fadir ni Enzo Pineda.

Nakatakda na makipagkita si Papa Manny at ang kanyang entourage kay Crown Prince Hamdan ng Dubai. May feeling ako na business related ang pagtatagpo nina Papa Manny at ni Prince Hamdan.

Kahit hindi first time, Vicki Belo kinabahan sa interbyu ng CNN International

Sanay nang mainterbyu sa TV si Dra. Vicki Belo pero kinabahan siya sa panayam sa kanya ng CNN International.

Lumipad sa Pilipinas mula sa Singapore ang CNN International producer na si Max Newnham para sa interbyu niya kay Mama Vicki at siyempre, tungkol sa success ng Belo Medical Clinic ang topic ng kanilang pag-uusap.

Hindi ang CNN International ang unang nag-interbyu kay Mama Vicki dahil lumabas na ito noon sa BBC.

BBC nakatutok sa laglag-bala

Kaloka ang BBC dahil mukhang hindi nawawala ang atensyon nila sa bayan natin.

Naglabas ng report ang BBC tungkol sa phenomenal success ng AlDub at ngayon naman, aligaga sila sa pagbabalita tungkol sa tanim-bala na nangyayari sa Ninoy Aquino International Airport.

Gusto ko nang isipin na mataas ang rating ng BBC kapag may kinalaman sa mga kaganapan sa Pilipinas ang kanilang mga news kaya palagi silang nakatutok sa mga happening sa bayan natin.

Show comments