Ryzza Mae at Bimby mas pinagkakaguluhan na raw kina Kris at Vic

May nagkuwento sa akin na pinagkaguluhan sina Ryzza Mae Dizon at Bimby Yap nang mag-shooting sila ng My Little Bossings sa Bo. Kapitolyo, Pasig City.

Nabulabog daw ang mga tao na tuwang-tuwa dahil nakita nila ang dalawang bagets.

May shooting uli sina Ryzza Mae at Bimby sa isang Japanese restaurant sa Pasig City. Tuturuan ni Bimby si Ryzza Mae na gumamit ng chopsticks ang eksena na kukunan.

Nakaabang ang mga tao sa muling pagbabalik nina Bimby at Ryzza Mae sa kanilang lugar. Hindi ko sasabihin kung kailan para hindi dumugin ang shooting ng mga bagets na mas sikat na yata sa co-stars nila sa My Little Bossings, sina Vic Sotto at Kris Aquino.

Mga nanood ng Bekikang nakangiti paglabas ng sinehan

Congrats kay Joey Paras at sa cast ng Bekikang: Ang Nanay Kong Beki dahil bongga ang mga feedback sa kanilang pelikula na nagbukas kahapon sa mga sinehan.

Nakangiti ang lahat ng mga nanood ng Bekikang nang lumabas sila mula sa mga sinehan dahil nakakatawa ang pelikula. Nag-enjoy daw sila sa mga funny scene ng Bekikang na pet project ng direktor na si Wenn Deramas.

Hindi raw trying hard ang pagpapatawa ng stars ng pelikula. Ngayon lamang daw uli sila nakapanood ng isang pelikula na nakakatawa mula umpisa hanggang ending. Balak daw nila na ulitin ang panonood ng Bekikang dahil feel good movie ito.

Taklesang aktor sinira-siraan ang isang mataas na opisyal ng gobyerno

Shocked ang mga reporter na nakakuwentuhan ng taklesang aktor dahil siniraan nito ang isang mataas na opisyal ng gobyerno.

Ang sey ng mga reporter, sila na ang nagkusa na i-edit ang mga litanya ng aktor na hindi nag-iisip.

Hindi pinangarap ng mga reporter na mademanda sila ng libel dahil sa mga panglalait ng aktor sa high-ranking government official.

Masuwerte ang aktor dahil hindi siya ipinahamak ng mga reporter ‘no! Sila na ang nagkusa na protektahan ang aktor at ang kanilang mga sarili. Hindi nila inilabas ang  libelous statements ng aktor.

Kumirmado, angel nakipagsabayan sa hiwalayang luis at jennylyn

Nakikipagsabayan sa break up nina Luis Manzano at Jennylyn Mercado ang hiwalayan nina Angel Locsin at Phil Younghusband.

Hindi ko pa nalilimutan na ex-girlfriend ni Luis si Angel at nabuo ang kanilang relasyon na hindi rin nagtagal nang lumipat ang huli sa ABS-CBN noong 2007.

Kanya-kanya ng mga haka-haka ang fans ni Angel sa tunay na ugat ng split up nila ni Phil. Umamin na si Angel na split na nga sila ni Phil na hindi pa natatagalan nang sabihing gusto na si Angel na ang gusto niyang pakasalan.

Jake hindi reklamador kaya tambak ang trabaho

Isa sa  pinaka-busy na artista si Jake Cuenca dahil sunud-sunod ang mga pelikula niya. Huling napanood si Jake sa Lihis at kasama rin siya sa cast ng Status: It’s Complicated ng Regal Entertainment Inc. at  When the Love is Gone ng Viva Films. May teleserye pa siya sa ABS-CBN, ang Maria Mercedes.

Pinagkakatiwalaan si Jake ng mga movie producer dahil propesyonal siya na katrabaho. Hindi pa tayo nakarinig ng balita na mareklamo si Jake dahil sinusunod niya ang lahat ng mga ipinagagawa ng mga direktor.

Haharap si Jake sa mga reporter sa presscon ng Status: It’s Complicated. Mag-expect tayo na puro tungkol sa love life niya ang itatanong sa kanya.

Show comments