Breakdance group na tribal waging Bida Kids grand champ

MANILA, Philippines - Wagi ang b-boy or breakdancing group na Super Crew ng Dasmariñas, Cavite bilang ang unang Bida Kids grand champion ng It’s Showtime nung Sabado (Hunyo 22). Makapanindig-balahibo ang kanilang performance  at umani ito ng standing ovation sa lahat ng mga hurado at madlang people.

Tumanggap ng P500,000 ang Super Crew para sa kanilang tribal-inspired performance na nakakuha ng average score na 10. Malinis at puno ng hiphop stunts at tumbling moves ang kanilang sayaw kaya naman tinawag itong “world-class” ng hurado at host na si Jhong Hilario.

Itinanghal namang second placer ang hiphop dance group na FMD Kids na nagwagi ng P200,000. Samantalang third naman ang gymnasts ng Tondo, Manila na Lakandula Elementary School Dance Squad na may P100,000.

Nanalo naman ng consolation prize na tig-P20,000 ang iba pang grand finalists na Higher Level Kids, Rated G, Likhain Dance Troupe, Kombo ni Vyosh, at Insiana Kids.

Bukod kay Jhong, nagsilbi ring hurado sa grand finals ang Kapamilya teen at child stars na sina Nash Aguas, Sharlene San Pedro, Zaijian Jaranilla, Bugoy Cariño, Clarence Delgado, Aaron Junatas, Andre Garcia, at Mika dela Cruz.

 

 

Show comments