Hatol kay Baron bitin pa

Inaasahang ilalabas anumang araw ngayon ng Department of Justice ang resolution ng kasong act of lasciviousness na isinampa laban sa aktor na si Baron Geisler.

Nagsampa ng naturang kaso si Patrizha Martinez, anak ng mag-asawang sina William Martinez at Yayo Aguila.

Ayon kay Chief City Prosecutor Emelie Fe Delos Santos, mayroon na umanong resolusyon sa kaso ni Geisler subalit hindi pa ito napipirmahan ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuño dahil nasa Cebu pa ito hanggang kahapon ng hapon o habang isinusulat ito.

Tumanggi naman si Delos Santos na sabihin ang nilalaman ng resolution dahil sa wala pa itong pirma ni Zuño at posible pa umano itong mabaligtad.

“Its a piece of scrap paper dahil wala pa itong pirma at posibleng ma-reverse pa,” sabi pa ni Delos Santos sa isang panayam.

Kinumpirma naman ni Zuño na hindi pa niya napipirmahan ang resolusyon at hindi pa niya ito nakikita kaya posibleng ngayong araw ay ilabas na.

Naunang inireklamo ng batang Martinez na hinipuan siya ni Baron sa maseselang bahagi ng kanyang katawan at niyaya siya nitong makipag-sex nang magkita sila sa isang bar sa Makati City noong Abril ng taong ito na idinenay naman ng aktor. (Gemma Amargo-Garcia) 

Show comments