Mga organizers ang kumikita!

Punung-puno pa rin ng pag-asa ang na-expel sa Pinoy Dream Academy scholar na si Chai Fonacier, na kahit na nga wala na siya sa academy, nakatulong naman ng malaki yon hindi lamang sa kanyang personality development kundi maging sa exposure niya. Naniniwala siyang dahil doon ay mas nakilala siya ng mga tao, at maaaring maging boost iyon sa kanyang career bilang isang singer at isang TV host.

Tatlong taon na palang kumakanta si Chai na kasama ng bandang Balde ni Allan, na nakakagawa na rin ng pangalan sa Cebu. Nakasulat na siya ng walong kanta para sa kanilang banda, at may apat na iba pang kanta na inilalaan naman niya sa kanyang sarili bilang isang singer.

Bago siya sumali sa Pinoy Dream Academy, naging writer-researcher na rin pala siya sa isang game show sa ABS-CBN Cebu.
* * *
May nagtatanong sa amin, bakit pa nga raw ba isinasagawa yang Metro Manila Film Festival kung wala namang sumasali kundi dalawa o tatlong kumpanya lamang? Bakit kailangang gawin pa kung hindi naman lahat ng pelikula ay kumikita? Pero isang bagay ang maliwanag diyan sa Metro Manila Film Festival na yan, ang organizers nito ay kumikita ng malaki.

Isipin ninyo kung gaano karami ang sponsors nila. Noong nakakaraang panahon pati nga alak sponsor nila.

Bukod doon mayroon pa silang ginagawang mga tiangge, at kung anu-anong iba pang maaaring pagkakitaan.

Hindi lang natin alam kung magkano ang napupunta sa kanila, at magkano lang ang naibibigay sa mga beneficiaries nila.
* * *
Nagkukwento raw ang nanay ng isang bading na tv host, na wala siyang kabilin-bilinan sa kanyang anak kundi huwag na huwag magti-take home ng mga lalaki, dahil usung-uso iyong sinasaksak ang mga bading. Kung mangyayari nga naman yon, papaano pa nila siya maipagtatanggol at maikakaila na bading nga siya? Sana huwag na ring magti-take home ng lalaki ang isang bading na singer.

Show comments