Rodel Velayo ayaw nang maging bakla!

Nakipagkasundo na si Rodel Velayo sa kanyang home studio na ang role niyang bakla sa Bridal Shower ang last gay role niya. Takot ma-typecast ang gumagaling na aktor sa pag-akting sa ganitong karakter at takot ito na baka di na siya makawala sa ganitong role.

Hindi naman ito nangangahulugan na itinakwil na niya ang ganitong karakter dahil pumapayag din naman siyang magpapel ng bading sa Maalaala Mo Kaya.

Inamin ng aktor na nakatulong din sa kanya ang pagpapel ng bading na nagsimula sa Liberated. Napanood daw siya ni Direk Jeffrey Jeturian na naghahanap noon ng papapel ng bading sa Bridal Shower at nakumbinse ito na magiging right choice ang aktor. Inamin nito na blessing in disguise ang pagpapel ng bading niya dahil napansin ang kahusayan niya sa pag-arte pero nagkaganoon pa man, gusto naman nitong subukan ang ibang role para maipakita ang versatility sa pag-arte.

Natutuwa siya na kahit naglalakad siya sa mataong lugar o sa mall ay hindi pa siya nakaranas na bastusin dahil sa naging role niya sa Liberated.

Lalo siyang natuwa nang may kasamahan siya sa pelikula na beterano sa teatro na nagtanong kung talagang bading siya dahil nabigyan niya ng tamang characterization ang kanyang role. Ikinatuwa ito ng aktor dahil napatunayan niyang isa na siyang aktor at kulang na lang ang tropeo bilang pagpapatunay sa kagalingan niya sa pag-arte. "Darating din ang award basta pagkatiwalaan ako ng mga magagandang role ng Seiko," ani Rodel.— Alex Datu

Show comments