Van rumagasa: Mag-asawa durog, 7 sasakyan inararo

BOCAUE, Bulacan, Philippines — Kalunus-lunos na kamata­yan ang sinapit ng mag-asawa matapos araruhin ng rumaragasang container van ang kanilang tricycle habang anim pang sasakyan ang nadamay sa Brgy. Wakas ng bayang ito, kahapon ng hapon.

Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Jenny at Larry Mendoza, nasa hustong gulang ng Brgy. Tambubong, Bocaue, Bulacan.

Naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng hapon nitong Lunes, sa harap ng Intercity Gate 1, Mc Arthur Highway, Brgy. Wakas, Bocaue.

Lumalabas na nawalan umano ng kontrol ang rumaragasang container van hanggang sa aksidenteng bumangga sa tricycle na kinalululanan ng mag-asawang Mendoza na bumili lamang ng sako.

Dahil dito, nagkalasug-lasog ang katawan ng babae dahilan para sumambulat ang kanyang lamang loob sa kalsada.

Sa sobrang bilis ng container van, ilang metro pa ang inilayo bago tuluyang huminto kasama ang nakaladkad na katawan ng mister na pumailalim, umipit at nalasog ang katawan sa ilalim ng naturang truck.

Sinasabing aabot sa anim pang mga sasakyan ang nabangga ng naturang truck sa nasabing insidente.

Habang sinusulat ang balitang ito, may impormasyong hawak na ng mga awtoridad ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.

Show comments