Bahay ni-raid: Mag-asawa timbog sa droga

PARACALE, Camarines Norte, Philippines — Kalaboso ang mag-asawa matapos mahulihan ng droga sa ginawang search warrant operation ng mga pulis sa kanilang bahay sa Purok-6, Brgy. Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Joel Abrenica Zulueta, 56-anyos at asawang si Loreta, 50-anyos, kapwa residente ng naturang lugar.

Sa ulat, ilang araw na minanmanan ng mga pulis ang iligal na operasyon ng mag-asawang Zulueta.

Nang magpositibo sa impormasyon, bitbit ang search warrant na inilabas ng korte dakong alas-9:50 ng gabi, agad sinalakay ng mga kasapi ng Regional Drug Enforcement Unit 5, Provincial Intelligence Unit at Paracale Police ang bahay ng mag-asawa.

Sa paghahalughog, nasamsam ng mga operatiba sa bahay ang ilang sachet ng shabu na tumitimbang ng 20-gramo at may street value na P136,000.

Sinampahan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Nabatid na ang dalawang anak ng mag-asawa ay una na ring naaresto dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Show comments