2 high school students tepok sa pagkalunod

Magkasunod na narekober ang katawan ng dalawang biktima na sina Jakevie Balanza at Aldrin Pabalan, kapwa 15 anyos at Grade 10 student ng Libertad National High School dito sa nasabing bayan.
File

MANILA, Philippines — Dalawang bangkay ng high school students ang nakuha ng mga awtoridad matapos malunod sa malalim na bahagi ng Cagayan River sa Simayung, Abulug, Cagayan.

Magkasunod na narekober ang katawan ng dalawang biktima na sina Jakevie Balanza at Aldrin Pabalan, kapwa 15 anyos at Grade 10 student ng Libertad National High School dito sa nasabing bayan.

Una rito, nagtungo sa ilog ang dalawa upang maligo kasama ang isa pa nilang kaklaseng si Julius Galano, 16-anyos.

Palusong pa lamang umano sina Galano at Pabalan nang mapansin na iba ang galaw ng tubig kaya’t dali-dali silang umahon.

Napansin naman ni Balanza na nahihirapan umano sina Galano at Pabalan kaya kumuha ito ng kawayan para may makapitan ang dalawa.

Subalit hindi inakala ni Balanza na sa pagtulong niya kay Pabalan ay siya naman ang mahulog at tuluyang  nalunod pero habang tinutulungan ng una si Aldrin ay nahulog ito sa tubig dahilan naman ng kanyang pagkalunod.

Tanging si Galano lamang ang nakaligtas sa nangyaring trahedya.

Nabatid na halos 150 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente sa bahagi kung saan narekober ang katawan ng dalawang estudyante.

Sa pinagsanib na tulong ng Abulug Rescue 3517/MDRRMO personnel, Philippine Coast Guard, Task Force Lingkod Cagayan, brgy. officials at tanods, PNP personnel, volunteer di­vers mula sa  Sta. Marcela at iba pang volunteers ng Barangay Simayung, narekober ang bangkay nina Balanza at Pabalan dakong alas-7 ng umaga ng Hunyo 4.

Show comments