Trike sinuwag ng bus: Driver lasog

Nasawi noon din ang biktima na kinilalang si Mark Joseph Samonte, 37-anyos, residente ng Brgy. Biriran, Juban, Sorsogon.
STAR/File

BAAO, Camarines Sur, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang trike driver matapos suwagin ng bus ang minamaneho nitong tricycle sa kahabaan ng Mahar­lika National Highway sa Brgy. San Francisco, Baao, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

Nasawi noon din ang biktima na kinilalang si Mark Joseph Samonte, 37-anyos, residente ng Brgy. Biriran, Juban, Sorsogon.

Sumuko naman sa rumespondeng mga pulis ang driver ng bus na si Darwin Decepolo Fontejon, 52-anyos ng Brgy. San Andres, Sto. Domingo, Albay.

Sa ulat, dakong alas-7:25 ng gabi ay mabilis na binabagtas ng bus ng St. Martha Bus Lines na minamaneho ni Fontejon ang kahabaan ng highway patungo sa direksyon ng Naga City nang pagda­ting sa lugar ay sinubukan nitong mag-overtake sa sinusundang sasakyan dahilan para mabangga nito ang kasalubong na tricycle na minamaneho ni Samonte.

Sa lakas ng pagkakabangga, parang latang nayupi ang tricycle habang nasira rin ang harapang bahagi ng bus dahilan para agarang masawi ang trike driver habang sugatang isinugod sa Bicol Medical Center ang konduktor ng bus na si Ramon Montano ng Sorsogon City.

Show comments