Mag-asawa niratrat sa ambush: Misis todas

ZAMBOANGA CITY, Philippines — Patay ang isang misis na kalihim ng bayan habang sugatan ang kanyang mister matapos tambangan at pagbabarilin ng mga suspek na lulan ng motorsiklo sa Isabela City, Basilan, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay Police Lt. Col. Junpikar Sitin, hepe ng Isabela City Police Station, ang nasawi ay nakilalang si Melissa Mohammad Alih, 30, assistant secretary ng Hadji Mutamad, isang islang bayan ng Basilan, habang ang sugatang mister ay si Jack Hassan Alih, dating security aid at empleyado ng nasabing bayan; kapwa residente ng Barangay Tabuk, Isabela City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mag-asawang Alih ng motorsiklo at pauwi sa Barangay Tabuk nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem suspects at dinikitan ang mga biktima saka ilang beses pinaputukan ng baril dakong alas-12 ng hatinggabi.

Nagtamo umano ang ginang ng tama ng punglo sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib habang ang mister ay tinamaan ng bala sa tiyan sanhi upang sila ay kapwa bumagsak sa daan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi batid na direksyon matapos ang ginawang pag-ambush sa mag-asawa.

Narekober ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang apat na empty bullet cartrid­ges na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagratrat mula sa caliber .45 pistol sa mga biktima.

Ang mag-asawa ay naisugod sa pinakamalapit na ospital subalit idineklarang patay si Melissa habang nilalapatan ng lunas.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang at ang posibleng nasa likod ng krimen.

Show comments