Nakulong sa droga itinumba, pamangkin utas sa ligaw na bala

CANDELARIA, Quezon, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang dating nakulong sa kasong pag-iingat ng ‘di lisensyadong baril at iligal na droga habang nadamay pa sa ligaw na bala ang pamangking menor-de-edad na babae kamakalawa ng gabi sa Sitio Mahal na Senor, sakop ng Barangay Sta. Catalina Norte.

Kinilala ni PLt. Col. Dennis De Leon, chief of police sa bayang ito, ang mga nasawi ay sina Rodel Panaligan, 41, may live-in partner at nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 10591 at R.A. 9165 at ang menor-de-edad na itinago sa pangalang Ma. Isabel.

Ayon sa imbestigasyon nina PStaff Sgt. Manolito Vitoriano at PCpl. Junjun Villaflor, bandang alas-10:30 ng gabi habang nakatayo sa labas ng kanyang bahay si Panaligan nang lapitan ng hindi kilalang lalaki at walang sabi-sabing pinaulanan ng punglo na tumama sa ulo at beywang nito na agad niyang ikinamatay.

Nagkataon namang nakatayo sa loob ng bahay ni Panaligan si Ma. Isabel nang tamaan ng ligaw na bala sa dibdib na ikinamatay nito habang dinadala sa Peter Paul Hospital. May person of interest (POI) na ang pulisya at selos umano ang motibo ng suspek sa krimen.

Show comments