Negros Oriental may bagong governor

MANILA, Philippines — May bagong gobernador ngayon ang lalawigan ng Negros Oriental makaraang ideklara ng Commission on Elections (Comelec) na si Roel Degamo ang siyang nagwagi sa nakaraang May 2022 elections na resulta ng deklarasyon sa isang kandidato na isang “nuisance”.

Base sa “updated canvass” ng Special provincial board of canvassers (SPBOC), nakakuha ng 331,726 boto si Degamo, habang ang pinakamalapit niyang karibal na unang idineklarang gobernador na si Herny Teves ay nakalikom ng 301,319 na boto.

Ito ay makaraang ipag-utos ng Comelec sa SPBOC na ilipat kay Degamo ang botong nakalap ng isang kandidato na si Grego “Ruel Degamo” Gaudia, na idineklarang isang ‘nuisance candidate’ ng Comelec en banc.

Una nang sinabi ni Teves na haharapin niya sa pamamagitan ng legal na pamamaraan ang naturang desisyon ng Comelec. Irerespeto naman umano niya kung ano ang magiging pinal na desisyon ng Supreme Court at kung ipatutupad ito ng Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG).

“If the DILG enforces and tells me to step down, I will not stay a day longer. If Supreme Court comes in and rules in their favor, I will not stay a day longer,” saad ni Teves sa isang programa sa radyo.

Show comments