6 timbog sa ‘bahay-sangla’ scam

LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Anim katao na mga hinihinalang mi­yembro ng “fake pro­perty pawning” o “bahay-sangla” scam ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang operasyon kamakalawa sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Jaylin Saliendra, Elizabeth Ludovice, Geoff Menes Gagan, Rowena Pla­cing, Hideliza Bruzola, at Victoria Regalado.

Nadakip ang anim sa isang operasyong isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Quezon, 405th Regional Mobile Force Battalion at Lucena City Police.

Ayon sa pulisya, ang naturang mga suspek ay nagpanggap na mga land broker at may-ari ng mga ari-arian.

Nakaakit umano sila ng 30 indibiduwal mula sa lalawigan ng Quezon at iba pang karatig-lugar na pautangin sila ng pera gamit ang titulo ng lupa bilang collateral, ngunit peke ang ginamit nilang mga titulo at dokumento.

Kasalukuyang nasa field office ng CIDG-Quezon ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 in relation to Article 172 of Revised Penal Code o estafa through falsification of public documents.

Show comments