Mag-ama nasapol ng kidlat, malubha

SAN FERNANDO, Camarines Sur, Philippines — Kapwa isinugod sa pagamutan ang isang mag-amang magsasaka matapos tamaan ng kidlat habang nasa gitna ng palayan sa Brgy. Lupi ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Mga sugat sa binti at hita at kapwa nanigas ang kalahating katawan dahil sa lakas ng boltahe ng kidlat ang inabot ng mag-amang sina Raul Lanuza, nasa hustong gulang at anak na si Neptali, 17-anyos, kapwa residente ng naturang lugar.

Sa ulat, dakong alas-4:10 ng hapon habang nagsasaka sa gitna ng palayan ang mag-ama nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.

Sumilong ang mga biktima sa kubo kasama ang ilan pang kapwa magsasaka nang biglang kumidlat at tinamaan ang kinaroroonan nila at nasapol ang mag-ama kaya bumagsak sa lupa.

Mabilis naman rumesponde ang ambulansya ng MDRRMO-San Fernando at isinugod sa Bicol Medical Center sa Naga City ang mga biktima.  

Show comments