2 ‘tulak’ mula Bulacan, tiklo sa P238K shabu 

TALAVERA, Nueva Ecija, Philippines — Arestado sa P238,000 halaga ng hinihinalang shabu ang dalawang dayong lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Matias ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng Talavera Police ang dalawang suspek na sina Ruel Manuel, 40, may-asawa, ng Brgy. Bango 2, Plaridel, at Alejandro Tumpalan, 53, may-asawa, ng Brgy. Inaon, Pulilan, pawang sa lalawigan ng Bulacan.

Sa ulat, alas-5:30 ng hapon noong Martes nang isagawa ang buy-bust operation ng drug enforcement team ng Talavera Police, PDEG-SOU3 at PIU-NEPPO kung saan natiyempuhan ang dalawang dayong suspek.

Matapos mabilhan ng police poseur buyer ang mga suspek ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, dito na nagsilutangan ang iba pang operatiba  kaya hindi na nakapalag sa pag-aresto ang dalawa.

Nang kapkapan ang dalawang suspek, nakuha pa sa kanila ang anim na plastic sachet ng umano’y shabu.

Nasa 35-gramo ang nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng P238,000 sa operasyon. Kinumpiska rin sa mga suspek ang dalang kulay itim na Honda 155 kolong-kolong tricycle, at ilang gamit kabilang ang isang weighing scale at gunting.

Show comments