Patay sa fluvial parade sa Pampanga, 3 na

MANILA, Philippines — Umakyat na sa tatlo katao ang naitalang patay habang apat ang sugatan sa isinagawang fluvial parade kamakalawa ng hapon sa Macabebe, Pampanga.

Batay sa report na tinanggap ni Col. Alvin Ruby Consolacion, acting police director ng Pampanga, kinilala ang mga biktima sa pangalang  Nyote Ponsenes, isang lalaki na nasa edad  40,  helper, at  residente ng Maynila; isang lalaki na nasa 20-30 gulang at  si Aaron John Lopez, ng  España Dalayap, Macabebe, Pampanga.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sakay ng bangka si Ponsenes at  ang helper nang tamaan ng bakal  ng motorized boat ang high-tension wire dakong alas-3 ng hapon na nagresulta ng pagsabog at pagkakakuryente.

Sugatan naman sina  Maria Christina Javier-Torres, 58;  batang lalaki at babae na kapwa 11-anyos na residente ng Barangay Sucad, Apalit, at Elizabeth Figueras Javier, 41 ng Matabungcay, Lian, Batangas.

Namatay si Lopez dahil sa pagkalunod matapos tumaob ang bangka na kanilang sinasakyan na pinaaandar ng kanyang amang si Alejandro Lopez.

Kasama sa prusisyon ang bangka ng mga Lopez.

Dinagsa ang Apung Iro Fluvial procession matapos ang dalawang taong pagkakatigil nito dahil sa pandemya sa COVID-19.

Show comments