2 lang nasawi sa karambola sa SLEX - HPG

MANILA, Philippines — Dalawang katao lang ang nasawi sa naganap na karambola ng sasakyan sa kahabaan ng South Luzon Expressway sa bayang ito, noong Huwebes ng madaling araw.

Ito ang paglilinaw ni Lt. Col. Joel Jacutan, De­puty Regional Director ng Highway Patrol Highway 4A, kaya’t mi­na­buti nilang magkaroon sila ng pagpupulong kaugnay sa nasabing insi­dente ng kanilang unang report na tatlo ang na­sawi upang hindi na maulit muli ang pangyayari.

“Pasensya na po sa lahat.. namis-interpret ang word na ‘later’ sa spot report .. ung si Mr. Rosales lang daw ang tinutukoy sa later.. buhay po si Michael Mendoza, bale 2 lang po ang namatay sa accident na iyon.. I’m very sorry po sa pagkakamali..” ito ang pahayag sa text message ng isang hindi po nagpakilalang opisyal sa mga mamahayag.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Joseph Agdan, driver ng Isuzu cargo jitney, kanyang pahinante na si Marco Rosales. Namatay si Agdan ha­bang dinadala sa Westlake Medical Hospital habang si Rosales ay idineklarang dead on arrival sa Calamba Me­dical Center dahil sa mga malulubhang sugat sa ulo at katawan.

Sa unang ulat ng pulisya, si Michael Mendoza, isa sa dalawang pahinante, ay napaulat sa mga pahayagan na kasamang nasawi din, subalit, nang beripikahin ng mga imbestigador ay nabatid na si Mendoza ay nasa kritikal na kondisyon lamang.

Sa imbestigasyon, pasado alas-2:00 ng madaling araw sa kahabaan ng SLEX Road ay huminto si Agdan matapos na ma-flat ang gulong sa kaliwang bahagi ng kanyang sasak­yan.

Nakita naman ito ng driver na si Limuel Abanilla, 31, na inaayos ni Agdan at dalawang helper ang sasakyan kung kaya’t huminto ito para tulungan ang mga ito.

Nang bigla na lamang dumating ang truck na minamaneho ni David Caguilala, 59 at nasalpok ang dalawang nakahintong sasakyan na kung saan ay nasapol ang tatlong biktima.

Show comments