645 bagong COVID-19 cases naitala sa Bicol region

Sa datos ng DOH-Bicol sa pangunguna ni regional director Dr. Ernie Vera, sa 645 na bagong kaso ng COVID-19, 340 dito ay mula sa Camarines Sur, 98 sa Albay, 78 sa Sorsogon, 77 sa Masbate, 40 sa Camarines Norte, 10 sa Catanduanes habang dalawa sa nagpositibo ay residente ng ibang lugar.
Image by Daniel Roberts from Pixabay

Pinakamataas na bilang sa loob ng 1-araw

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Naitala ng Department of Health (DOH) - Bicol Center for Health Development ang pinakamataas na bilang ng kaso ng CO­VID-19 sa isang araw sa buong rehiyon si­mula nang magkaroon ng pandemya matapos na umabot sa 645 ang mga bagong kaso kahapon.

Sa datos ng DOH-Bicol sa pangunguna ni regional director Dr. Ernie Vera, sa 645 na bagong kaso ng COVID-19, 340 dito ay mula sa Camarines Sur, 98 sa Albay, 78 sa Sorsogon, 77 sa Masbate, 40 sa Camarines Norte, 10 sa Catanduanes habang dalawa sa nagpositibo ay residente ng ibang lugar.

Umabot na umano sa 31,275 ang kabuuang kaso sa rehiyon kung saan 22,193 dito ang nakarekober habang 1,021 ang mga namatay makaraang madagdagan kahapon ng anim.

Dahil sa mataas na kaso sa Camarines Sur at Naga City ay inilagay muli sila ng Bicol-IATF sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Sa bisa naman ng executive order ni Mayor Esther Hamor ng Sorsogon City ay nagdeklara ang lokal na pamahalaan ng lockdown tuwing weekends o bawat Sabado at Linggo dahil sa naita­lang maraming namatay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Hamor, sa buong buwan ng Agosto ay 17 ang nasawi sa lungsod habang 10 ang namatay sa loob ng unang 13-araw ngayong Setyembre.

Dahil dito, ipinatupad ang curfew simula alas-7 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga sa nasabing lungsod.

Muling nagbabala ang Kagawaran ng Kalusugan sa lahat ng mamamayan na sumunod sa minimum health protocol dahil sa surge cases sa Kabikulan bunsod ng mga kumakalat na COVID-19 variants lalo na ang Delta variant.

Show comments