10 pulis sa Laguna drug ops kinasuhan

Bumaril at nakapatay sa 16-anyos

MANILA, Philippines — Kasong homicide  ang isinampa laban sa 10 mi­yembro ng Laguna Provincial Police Office (PPO) na sinasabing nakabaril at nakapatay sa isang 16-anyos na bina­tilyo sa isinagawang anti-drug operation sa  Biñan City, Laguna nitong nakalipas na buwan, Hunyo.

Ayon kay Police Regional Office 4A chief Police Brigadier General Eliseo Cruz, naisampa na ng Fact Finding Investigation Task Group  ang kaso sa City Prosecutor’s Office ng Biñan City kamakalawa laban  sa 10 tauhan ng Laguna PPO Provincial Intelligence Branch  kabilang na ang  hepe nito na si Police Captain Fernando Credo.

Ang kaso ay batay sa complaint affidavit ng ina ng napatay na menor-de-edad na si Johndy Helis.

Matatandaang Hun­yo 16 nang magsagawa ng pagsalakay ang nasabing mga pulis bitbit ang warrant of arrest laban sa kanilang target na si Antonio Dalit pero nanlaban umano ang huli at ang binatilyong si Helis kaya sila napatay.

Gayunman, nanindigan ang   pamilya ni  Helis na hindi makakapanlaban ang binatilyo dahil nakaposas ang mga kamay nito nang hulihin ng mga pulis.

Ayon naman sa pamilya ni Dalit, hindi totoo na may dala itong baril. Ang ipinakitang baril ng mga pulis ay isang Airsoft gun.

Show comments