Mister sinamurai ng landlord sa harap ng misis, 3-anyos anak

Dead-on-arrival sa San Antonio District Hospital ang biktima na si Joseph San Jose,isang gas station pump attendant.
STR/ File

‘Di nakabayad ng upa'

JAEN, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang 22-anyos na mister makaraang tarakan ng samurai sa kanyang dibdib ng 63-anyos na lalaki nang mabigo umanong makapagbayad ng renta sa tinutuluyan nitong bahay sa Barangay Putlod ng bayang ito, Biyernes ng gabi.

Dead-on-arrival sa San Antonio District Hospital ang biktima na si Joseph San Jose,isang gas station pump attendant.

Naaresto naman ng pulisya ang mag-amang suspek na sina Diosdado De Luna, 63, may-asawa, at anak nitong si Teofilo, 24, binata, construction worker ng nasabing lugar.

Ayon sa live-in partner ng biktima na si Angelica Evangelista, alas-8 ng gabi ng Biyernes ay nasa mesa na umano silang mag-asawa at kanilang anak na babaeng 3-anyos at maghahapunan na sana nang bigla umanong dumating ang mag-amang De Luna, kasama ang isa pang hindi nakilalang lalaki.

May dala umanong samurai o bolo ang nakatatandang de Luna habang ang anak naman nito ay may hawak na kutsilyo. Sa tingin ni Angelica ay mukhang ‘galit na galit’ umano ang mag-ama nang singilin ng suspek na si Diosdado ang kanyang mister.

Ngunit dahil sa hindi pa sumasahod ang kanyang mister ay hindi ito nakapagbigay ng kanilang renta na nagresulta sa biglaang pagtarak ng dalang samurai ni Diosdado sa dibdib ng biktima. Nang respondehan ng pulisya ang lugar ay naabutan pa nilang nakahandusay ang biktima na naliligo sa sarili nitong dugo sa harap ng inuupahan nitong bahay.

Nahaharap sa kasong murder ang mag-amang De Luna na nasa ilalim na ng kustodiya ngayon ng Jaen PNP. 

Show comments