Bully utas sa saksak ng 82-anyos

CATANAUAN,  Quezon, Philippines  —  Hindi umubra ang lakas ng isang 33-anyos na magsasaka sa 82-anyos niyang kabaro makaraang mapatay sa saksak da­hil sa pambu-bully ka­makalawa ng hapon sa Barangay San Antonio Pala ng bayang ito.

Ang biktima na nagtamo ng malalim na saksak sa ibabang bahagi ng likod ay kinilalang si Norberto Delos Angeles, may live-in partner samantalang naaresto naman ang lolong suspek na si Terso Olimba.

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-3:00 ng hapon ay nasa loob ng kanyang kubo ang lolo at tinatanggalan ng hibla ang mga inaning mais nang dumating ang galit na galit na biktima at pinagsisigawan ang una.

Agad na hinatak ng biktima palabas ng kubo ang matanda saka pinagsusuntok. Hindi pa nakuntento ay tinaga pa niya ng gulok ang matanda na sa kabutihang palad ay nailagan ng huli.

Susundan pa sana ng biktima ng taga ang lolo subalit naagaw ng huli ang gulok at dalawang beses na isinaksak sa una na namatay habang isinusugod sa Bondoc Peninsula District Hospital.

Show comments