16 nagpositibo sa COVID-19 sa Cagayan Valley

Matinding hawaan ng 2 pamilya

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Nakapagtala ang awtoridad ng 16 na bagong kaso ng hawaan ng COVID-19 mula sa dalawang pamil­ya sa gitna ng lumalalang insidente ng community transmission ng virus sa Cagayan Valley kahapon.

Sa rekord ng Department of Health (DOH), walo ang panibagong kaso sa Brgy. Bangar, Solano, Nueva Viscaya matapos magpositibo sa virus ang miyembro ng pamilya ng lola na nasawi dahil sa kumplikasyon ng COVID-19 noong Set­yembre 17.

Ayon sa Provincial Health Office, ang mga nahawa sa 56-anyos na lola ay ang 60-anyos nitong mister, manugang, tatlong anak at tatlong apo na may edad 5, 13 at 14.

Pinaniniwalaang nakuha ng lola ang virus sa palengke ng Solano na ilang ulit na isinara at isinailalim sa disinfection dahil sa pagkalat ng virus.

Sa ngayon ay mayroon nang 264 confirmed COVID-19 cases ang Solano at pito dito ang nasawi.

Sa Isabela, walo ring miyembro ng pamilya ng COVID positive na health frontliner ang naireport sa bayan ng Naguilian matapos ang isang buwan na walang naitalang bagong kaso ng COVID-19 doon.

Show comments