Mag-ama niratrat ng tandem, patay

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kapwa bulagta ang isang tatay at anak matapos na habulin at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang pauwi ang mag-ama lulan ng kanilang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Daraga, Placer, Masbate kamakalawa ng hapon.

Nakatakbo pa pero patay na bumagsak sa damuhan ang ama na si Gil Jun-Jun Tatoy, 44-anyos habang bumulagta sa gitna ng highway ang anak na si Earl Jun Dong-Dong, 24-anyos, binata, pawang residente ng Brgy. Dalipe, Cawayan.

Tinutugis na ng mga pulis ang tumakas na gunmen na nakilalang sina Jimuel Dublin Naraja at Raymond Cueva Dosdos.

Sa ulat, dakong alas-5:10 ng hapon, lulan ng kanilang motorsiklo ang mag-ama na minamaneho ng batang Tatoy pauwi sa kanilang bahay nang habulin ng dalawang suspek na lulan ng hindi naplakahang motorsiklo sa hindi pa malamang dahilan. 

Nang abutan ng mga suspek ang mag-ama ay nagkaroon umano ng pagtatalo hanggang sa nakitang pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima na agad namatay makaraang mapuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Tumakas ang mga suspek na natukoy ng ilang testigo patungo sa direksyon ng Brgy. Locso-an matapos na mapatay ang mag-ama.

Show comments