2 ‘tulak’ bulagta sa buy-bust

LEGAZPI CITY, Philippines — Kapwa bulagta ang dalawang hinihinalang tulak ng droga matapos umanong manlaban sa magkahiwalay na buy-bust operation ng mga pulis sa bayan ng Bacacay at Polangui, Albay kamakalawa ng gabi.

Unang nasawi matapos na mapuruhan sa katawan at hindi na umabot pang buhay sa Ziga District Hospital sa Tabaco City ang suspek na si Joey Balde Llovit, 37, ng Ligao City.

Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi kumagat si Llovit sa inilatag na buy-bust operation ng Bacacay Police sa pangunguna ni Major Jan King Calipay.Matapos magka-abutan ng droga ay sumenyas ang posuer buyer sa pa­mamagitan nang pag­sindi ng lighter pero na­kahalata ang suspek kaya mabilis itong bumunot ng baril subalit naunahan siyang paputukan ng nakapalibot na operatiba.

Napaslang din ang suspek na si Raymond “Abu” Magsumbol, nasa hustong gulang, ng Brgy. San Agustin, Libon nang kumasa sa buy-bust dakong alas-9:15 ng gabi sa Brgy. Sugcad, Polangui. Gayunman, nang magka­bilihan ng droga ay agad nakita ng suspek ang papalapit na ope­ratiba kaya’t bumunot ng baril pero inunahan na siyang putukan ng mga pulis na nasapol sa dibdib.

Isinugod pa ang suspek sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital sa Ligao City pero dineklarang dead on arrival.Ilang sachet ng shabu at dalawang Kalibre 38 baril ang nabawi sa mga suspek.

Show comments