Kagawad dinukot, pinatay ng 5 armado

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Patay na nang natagpuan ng mga residente ang isang dating barangay kagawad matapos na dukutin ng limang lalaki sa kanilang bahay sa Polangui, Albay at dinala saka pinagbabaril sa tabi ng kalsada ng Zone-5, Brgy. Masoli, Bato, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

Ilang tama ng punglo sa hindi pa malamang kalibre ng baril ang ikinamatay ng biktimang si Samuel Respicio Bertumen, 37, at dating konsehal ng Zone-2, Brgy. Apad, Polangui, Albay.

Sa ulat, dakong alas-9:50 ng gabi nagulat ang ilang residenteng dumaraan nang nakita ang bangkay ni Bertumen na nakabulagta sa tabi ng kalsada,may mga tama ng bala sa katawan at nakagapos ang dalawang kamay. Anim na basyo ng bala ng baril ang nakita malapit sa bangkay.

Ilang oras bago natag­puan ang bangkay ni Bertumen ay inireport pa sa Polangui Police ng kanyang ama na si Celerino, 72-anyos, ang pagdukot sa biktima ng limang lalaki at isinakay sa itim na To­yota Fortuner (ZCP-738) at mabilis na tumakbo patungo sa direksyon ng Brgy. Matacon.

Show comments