Parak binaril sa tricycle

LUCENA CITY, Philippines — Kritikal ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek habang sakay ang biktima sa tricycle kahapon ng umaga sa Barangay Gulang-gulang, dito sa lungsod.

Kinilala ang biktima na si P/MSgt. Louie Vargas, 41, may asawa, nakatalaga  sa Quezon Provincial Police Office (QPPO) headquarters at residente ng nasabing barangay.

Base sa imbestigasyon ni P/MSgt.Wilbat Apoli, alas-11:40 ng umaga habang sakay ang biktima ng tricycle nang malapit na sa isang supermarket ay bahagyang huminto. Nilapitan umano ang biktima ng hindi nakikilang lalaki at malapitang pinaulanan ng punglo saka naglakad lamang na tumakas ang salarin.

Ayon sa ulat, dating naka-assign sa Real Police Station ang biktima at nagpalipat sa QPPO makaraang maharap sa kasong administratibo.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang malaman ang motibo sa pamamaril sa pulis at matukoy ang suspek.

 

Show comments