P2.3 milyong shabu samsam sa buy-bust

MARILAO, Bulacan, Philippines — Nasa P2.3 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa buy-bust operation habang tatlo pa ang naaresto sa hiwalay na operasyon kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Sa ulat ng Marilao Police, nakumpiska mula sa mga suspek na sina Ruther Ijalo Morales alyas Nonoy, 34, mekaniko, ng Looban 1, Brgy. Loma De Gato, at Richard Bangayan Bolo, 37, ng San Jose Heights, Brgy. Muzon, San Jose Del Monte ang nasa 350 gramo ng shabu na nasa P2.3 milyon ang halaga. 

Si Morales ay dati nang nakulong sa Marilao dahil sa droga habang si Bolo ay nakulong sa Malolos sa kasong illegal possession of fire arms.

Samantala, nasakote rin ang tatlo pang drug suspect na sina Norman Acibar Guevarra, alyas Oman; Emmanuel Pena Lopez alyas Weng, at Diego Valdez Mendoza. Nakumpiska mula sa tatlo ang hindi pa matukoy na halaga ng shabu at buy-bust money.

Show comments