2 pang biktima ng summary execution natagpuan

MANILA, Philippines — Dalawa pang hininalang biktima ng summary ­execution ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Zamboanga City at Cavite.

Isang patay na babae ang natagpuang nakagapos ang mga kamay at naka-plaster ang bibig matapos abandonahin  sa Brgy. Mariki, Zamboanga City kamakalawa ng umaga.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, ang nasabing bangkay ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan matapos na walang makitang anumang palatandaan tulad ng ID mula rito.

Ang biktima ay nakasuot ng kulay itim na t-shirt, itim na blazer jacket, asul na pantalon kung saan may nakatali pang tela sa bibig nito habang nakagapos din ang dalawang kamay sa kaniyang likuran.

Nakitaan din ang bangkay ng nasabing babae ng mga pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at may sugat din sa leeg nito.

Pinaniniwalaan ding biktima ng summary execution ang natagpuang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa madamong bahagi ng Villa Tanza subd, Brgy Mulawin, Tanza Cavite na mistulang suman dahil sa nakabalot ito ng masking tape simula ulo hanggang paa.

Hanggang sa isinusulat ito ay hindi pa rin nakikilala ang biktima na nakasuot ng berdeng t-shirt at brown shorts. Tinatayang nasa edad ito na 25 hanggang 30 anyos at may taas na 5’5’ hanggang 5’6’. May dragon tatoo ito sa balikat at nababalutan ng masking tape ang buong katawan nito simula sa ulo hanggang paa.

Show comments