Dinukot na crew isinako, itinapon

NORTH COTABATO  , Philippines  —  Matapos ang pagkawala nang dukutin ng mga armadong kala­lakihan, natagpuan na ang isang fast food chain crew na nakasilid sa isang sako matapos itapon ng mga suspek sa bayan ng Midsayap, lalawigang ito, iniulat kahapon.

Sa kabila ng maraming sugat sa katawan, nasagip nang buhay ng mga residente ang biktima na si Jake Omar Talusan, 20-anyos, ng Brgy. Malingao, Midsayap.

Sinabi ni North Cotabato Police Director, P/Col. Maximo Layugan, nakita ng mga residente ng Brgy. Sadaan, Midsayap si Talusan na nakalagay sa loob ng isang sako na iniwan ng isang kulay itim na van sa gilid ng national highway. Narinig umano ng mga residente ang sigaw at paghingi ng saklolo ni Talusan kaya agad na tiningnan ang sako at tumambad ang sugatang biktima.

Agad na dinala sa ospital ang biktima na puno ng mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan na senyales na siya ay pinahirapan ng mga suspek.

Matatandaan na sakay si Talusan ng kanyang motorsiklo at tinatahak ang daan sa Brgy. Sadaan mula sa mosque nang harangin siya ng mga armadong lalaki at pilit na isinakay sa kulay itim na van noong Biyernes ng tanghali.

Hinala ni Col. Layugan, posibleng “mistaken identity” o napagkamalan lamang ang binata kaya pinakawalan din ng mga suspek. 

Show comments