Bulacan drug ops: 2 todas, 7 arestado

MALOLOS CITY  , Philippines  —  Dalawang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang napatay ng mga operatiba ng Bulacan Police sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lalawigan kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni P/Sr. Supt. Chito G. Bersaluna, Bulacan Police director, ang mga napatay na suspek na sina Eric Gonzales alias Bukol, may-asawa, walang trabaho ng Brgy. Poblacion, Plaridel, Bulacan at Manny Paguia, ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan.

Sa ulat ni P/Supt. Satur Ediong, hepe ng Plaridel Police, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang magsagawa sila ng buy-bust operation sa Brgy. Parulan ng matunugan ni alias Bukol na isang pulis ang katransaksyon sa bentahan ng droga. Nagawa pa umano ng suspek na makatakbo bago maki­pagpalitan ng putok sa mga pulis pero napuruhan na siyang ikinamatay nito.

Napatay naman si Paguia sa Brgy. Sto. Cristo, Pulilan, Bulacan dakong alas-1:45 ng madaling araw matapos na makipagbarilan din sa mga operatiba ng Pulilan na nagsagawa ng buy-bust operation. Narekober dito ang isang cal. 22 revolver, isang cal. 38 revolver, tatlong plastic sachet ng shabu at buy-bust money.

Samantala, arestado sa magkakahiwalay na buy-bust operation ang pitong iba pang umano’y mga tulak na sina Mary Rose Andaya, Rismar Magpayo, Heidi Rodriguez, pawang nasa drug watchlist ng Bocaue Police; Gerry Gonzales, Juan Paolo Morales, Russel Gonzales at Allen Cipriano. Nakumpiska sa kanila ang 15 plastic sachet ng hinihinalang shabu at buy-bust mo­ney.

Show comments