Top 1 sa drug list bulagta sa shootout!

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines  —  Bulagta sa loob ng kanilang bahay ang isang 37-anyos na tulak na itinuturing na Number 1 sa Provincial drug watchlist at Number 4 sa Regional drug list  nang makipagbarilan sa mga pulis habang isinisilbi ang search warrant sa Zone-6, Brgy. Topas, Nabua, Camarines Sur kamakalawa.

Sinubukan pang isugod sa Our Lady of Mediatrix Hospital sa Iriga City pero idineklarang patay ang suspek na si Roy Velitario Sa­bordo, residente ng nasabing barangay.

Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga bitbit ang search warrant na inisyu ng korte, sinalakay ng mga kasapi ng Drug Enforcement Unit ng Regional Intelligence Unit-5, Camarines Sur Police at Nabua Police ang bahay ng suspek sa nasabing lugar.

Gayunman, habang isinisilbi ang search warrant, tumakbo sa loob ng bahay ang suspek at bumunot umano ng baril saka pinutukan ang papalapit na mga operatiba na naging sanhi ng palitan ng putok na ikinabulagta ng suspek.

Nasamsam sa loob ng bahay ng suspek ang 15 plastic sachet ng shabu, 4 sachet ng marijuana, kalibre 45 baril at mga bala.

Show comments