Cafgu nag-Rambo: Guro bulagta!

Dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng bala ng M-16 armalite rifle sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Jefferson Lopez, 35, nagtuturo sa Hinipaan Ele­mentary School ng nasabing lugar habang sugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala ang asawa ng kapitan ng barangay na si Erlinda Pardo.
File Photo

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Isang kasapi ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit o Cafgu na naka-full battle gear at may bitbit na armalite ang nag-ala-“Rambo” nang ratratin nito ang nakaalitang guro at idinamay pa ang ibang kanayon na ikinasugat ng asawa ng barangay chairman sa Purok-1, Brgy. Hinipaan sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng bala ng M-16 armalite rifle sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Jefferson Lopez, 35, nagtuturo sa Hinipaan Ele­mentary School ng nasabing lugar habang sugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala ang asawa ng kapitan ng barangay na si Erlinda Pardo.

Kinilala naman ang suspek na si Gilbert Balte, ng nasabi ring barangay.

Sa ulat, dakong alas-6 ng gabi habang naglalaro ng basketball si Lopez sa co­vered court ng kanilang lugar nang biglang dumating si Balte na naka-full battle gear, may suot na bandolier vest at tangan ang M16 armalite rifle. Nilapitan agad ng suspek ang biktima at pinagbabaril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan dahilan nang agaran nitong pagkasawi.

Gayunman, matapos ma­paslang si Lopez, sumugod pa si Balte sa bahay ng biktima at ilang beses pinutukan ang nakaparadang sasakyan ng guro at saka pinagbabaril naman ang mga bahay sa paligid dahilan para tamaan ng ligaw na bala sa katawan si Pardo.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sa ’di malamang direksyon. Nakuha ng mga pulis ang maraming basyo ng bala ng M16 armalite rifle sa lugar.

Show comments