3 parak, 12 pa huli sa tupada

MANILA, Philippines — Tatlong pulis at 12 pang katao kabilang ang dalawang empleyado ng gobyerno ang inaresto ng mga awtoridad matapos silang maaktuhan sa nagtu-tupada o illegal na nagsasabong sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa, ayon sa opisyal kahapon.

Kinilala ang mga nasakoteng pulis na sina P02 Michael Somido, nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO), PO1 Ray­mond Meneses, nakatalaga sa Caloocan City Police at PO1 Rhovel Araceli naka­destino naman sa Northern Police District (NPD).

Arestado rin ang da­la­wang government employee na kinilala namang sina Albert delos Reyes, traffic aide, empleyado ng city hall ng San Jose del Monte City, Bulacan, nakumpiskahan naman ng  isang Bersa Thunder cal 40 pistol at Almelito Bascon, staff of Sangguniang Panlalawigan ng lungsod. Isa sa mga sibilyang dinakip ang nakilalang si Rodrigo Cruz na kolektor ng mga mananaya sa sabungan.

Sinabi ni PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) Spokesman P/Chief Inspector Jewel Nicanor, sina Somido at Meneses ay dinisarma­han ng cal 9 MM pistols na service firearms ng mga ito habang nakumpiskahan naman ng mga tari na gamit ng mga panabong na manok  si Araceli.

Bandang alas-10 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang PNP-CITF operatives  sa ille­gal na tupadahan sa Horoesville Subdivision, Bgy. Gaya-Gaya, San Jose del Monte, Bulacan.

Show comments