Paslit todas sa ilog

MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang isang magdadalawang taong gulang na paslit makaraan itong malunod at aksidenteng mahulog sa ilog habang naglalaro sa Brgy. Concepcion, Kabasalan, Zamboanga Sibugay, kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Luxria Reign Bechayda, 1-anyos at siyam na buwan, residete ng Purok 5, Brgy. Concepcion, Kabasalan ng lalawigang ito.

Sa report ng Police Regional Office (PRO) 9, nangyari ang insidente sa ilog di kalayuan sa tahanan ng pamilya ng biktima sa lugar dakong alas- 11:30 ng tanghali.

Ayon sa imbestigasyon, abala sa paghahanda ng pananghalian ang ama ng paslit nang hindi nito namalayan na naglakad ang anak patungo sa direksyon ng ilog.

Dito na aksidenteng nahulog ang bata sa pampang ng ilog at tuluy-tuloy na nalunod sa insidente.

Nang mapansin naman ng ama na wala sa pinag-iwanan niya ang naglalarong anak ay dito na kinutuban ang ama at laking gulat ng makitang nakalubog na sa ilog ang paslit na anak.

Agad namang nag-dive sa ilog ang ama upang sagipin ang anak na iniahon nito at mabilis na isinugod sa Kabasalan Pathfin­der Estate Hospital pero idineklara na itong dead on arrival.

Show comments