3 miyembro ng kidnap-for-internal organ, sakote

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Nalambat ng pulisya ang sinasabing durugista at dalawa pa nitong kasamahan na pinaniniwalaang may kaugnayan sa sindikato ng pagdukot ng mga bata para sa kanilang internal organ sa bayan ng Solana, Cagayan kahapon.

Kinilala ni Cagayan Valley Police Director Chief Supt. Jose Mario Espino ang mga nasakoteng suspek na sina Manuel Orpilla, Noel Villaroza at ang sinasabing lider ng grupo na si Junjun Paragas na dati nang nakisawsaw sa Oplan Tokhang noong 2016.

Sinabi ni Espino na nasagip ng pulisya ang 7-anyos totoy na itinago sa pangalang Sean matapos makipagkita sa tipanan ang grupo upang kunin ang hinihingi nitong P.5 milyong ransom money.

Nakatakas naman ang isa pang miyembro ng kidnapping group na si Eugene Alluvida na pinaniwalaang nagtungo sa Isabela.

Sa report ng pulisya, dinukot ng mga suspek ang bata mula sa bahay ng kanyang tiyahin sa Brgy. Sampaguita, Solana noong Marso 14.

Sinabi ng ama ng bata na si Julius Beran na nagbanta si Paragas na ibebenta nila ang biktima sa sindikato ng mga bumibili ng bata sa sandaling mabigo nilang maibigay ang ransom sa itinakdang araw kahapon.

Ayon kay Cagayan Police Director P/Senior Supt Warren Tolito, kanila ngayong sinisiyasat kung may kaugnayan ang grupo ni Paragas sa iba pang nawawalang bata sa kanyang teritoryo.

Show comments