Lola patay, 10 sugatan sa road mishap

MANILA, Philippines — Kamatayan ang sinapit ng isang lola habang sampu naman ang nasugatan makaraang magbanggaan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng highway sa  Dagupan City, Pangasinan noong Lunes  ng gabi.

Sa ulat ng Pangasinan Police na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang namatay na biktima na si Marciana Gonzales, kawani ng gobyerno.

Patuloy namang ginagamot sa Regional Integrated Medical Center ang mga sugatang sina Jimmy Bravo, 57, driver ng Besta KIA van (ULG 586) at Honda Jazz (VEM 577) na minamaneho naman ni Genaro Gonzales Jr., 62, asawa ni Marciana.

Ang iba pang nasugatan ay mga lulan ng dalawang sasakyan na sina Mylany Bravo, 24; Rhiana Cayabyab, 4; Jayson Bravo, 30; Shiela May Bravo, 8; John Bravo, 7; Jake Bravo, 5; at si Kyle Angelo Buscaz, 7.

Bandang alas -7:45 ng gabi nang mangyari ang banggaan ng dalawang sasakyan sa kahabaan ng highway sa Bolosan District, Dagupan City sa tapat ng Jurolens Construction Supply.

Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake sa bisikleta ang Besta van ni Bravo kaya nakabanggaan ang nasabing Honda Jazz kung saan namatay ang 63-anyos na lola at sugatan naman ang iba pa na agad na isinugod sa pagamutan.

Karamihan sa mga nasu­gatang pasahero ay mga ka­mag-anak ng driver ng van na nasa ligtas ng kalagayan. Nabatid pa na hindi naka-seat belt ang nasawing lola at hindi rin gumana ang airbag ng kanilang sasakyan.

Nahaharap naman sa kasong kriminal si Bravo na nadiskubreng nakainom ng alak habang nagmamaneho.

Show comments